Calendar
Malaysian nagpulis-pulisan, nagbenta ng PNP uniform, huli
TIKLO ang Malaysian national na nagpapanggap na pulis habang nagbebenta ng uniporme ng Philippine National Police (PNP) sa Pasay City.
Inaresto ng mga tauhan ng Pasay Central Park Sub-Station 4 ang suspek na si alyas “Wei”, 37, residente ng 1676 Dian St. Brgy. San Isidro, Makati City Linggo ng gabi sa Arnaiz Avenue, Brgy. 107 nang isuplong ng isang concerned citizen na umano’y inalok ng dayuhan na bumili ng dala niyang police uniform.
Nagpakilala pa bilang isang pulis ang dayuhan nang sitahin subalit nang hanapan siya ng ID ng PNP, wala siyang maipakita na kahit anong katibayan na magpapatunay na awtorisado siyang magbenta ng police uniform.
Dahil dito, inaresto ng pulisya ang dayuhan at kinumpiska ang bitbit niyang transparent plastic bag na naglalaman ng asul na T-shirt na may nakalagay na “PULIS” na kanyang ibinebenta.
Nahaharap ang dayuhan sa kasong paglabag sa Art. 177 ng Revised Penal Code (Usurpation of Authority) at Art. 179 o ang Illegal Use of Uniforms or Insignia sa Pasay City Prosecutor’s Office.

