Calendar
Fuel subsidy distribution ng LTFRB idadaan sa digital transaction
NAKATAKDANG mag-shift sa digital na transaction ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inimbitahan na nila ang mga Electronic Money Issuers (EMIs) para maging Payment Channel Provider sa pamamahagi ng P5,000 fuel subsidy sa bawat benepisyaryo.
“Sa paggamit ng serbisyo ng Electronic Money Issuers, layunin nating matiyak ang episyente, ligtas at transparent na pamamahagi ng fuel subsidy assistance sa mga benepisyaryo ng programa,” sabi ni Chairperson Mendoza.
Binigyang-diin ng LTFRB na kailangan munang beripikahin ang kakayahan ng mga EMIs na magsagawa ng naturang transaksyon.
Nagpadala ang LTFRB ng sulat sa lahat ng EMIs upang makibahagi sa proseso sa pamamagitan ng pagsusumite ng letter of intent at iba pang dokumentong nagpapatunay ng kanilang legalidad at kakayahan sa digital payment.
Ang mga isinumiteng dokumento, kasama ng iba pang papeles na maaaring hingin, ang magsisilbing batayan ng LTFRB sa pagtukoy kung may kakayahan ang EMIs na makibahagi sa programa bilang Payment Channel Provider.
Nauna nang inanunsyo ni Secretary Lopez na magsisimula ang pamamahagi ng fuel subsidy sa sektor ng PUV sa susunod na linggo sa pamamagitan ng mga tricycle driver sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Kasunod nito, agad ding makatatanggap ang iba pang benepisyaryo sa Metro Manila at sa iba’t ibang panig ng bansa.
Dagdag pa ni Chairperson Mendoza, pinili nila ang digital na transaksyon dahil napatunayan na itong epektibo at episyente sa nakaraang pamamahagi ng fuel subsidy.
Ito ang pinakamadaling paraan dahil hindi na kinakailangan ng mga lugar ng pamamahagi kung saan mahaba ang pila ng mga benepisyaryo.

