Calendar
Mga senador nagtutulak ng mas mabilis na kapangyarihan para sa Malacanang
ITINULAK ng mga mambabatas ang pagbibigay sa Malacañang ng mas mabilis na kapangyarihan upang maibsan ang epekto ng gyera sa Middle East sa mga commuter, mamimili at maliliit na negosyo.
Ikinatuwa ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang House Bill No. 8418 na magpapahintulot sa pansamantalang suspensyon ng excise tax sa produktong petrolyo.
Tinutugunan ng panukalang House measure ang kaparehong isyu na tinutukan sa Senate Bill No. 1927 na kanyang inihain kasama si Sen. Pia Cayetano, ayon sa senador.
Sa ilalim ng House Bill No. 8418, maaaring suspendihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa fuel products sa loob ng anim na buwan.
Samantala, layunin ng panukalang bersyon sa Senado na magtatag ng mekanismo para sa awtomatikong suspensyon o pagbabawas ng excise tax sa langis kapag umabot sa kritikal na antas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Sa ilalim ng panukala ng Senado, maaaring maglabas ang Pangulo ng executive order upang suspendihin ang excise tax sa fuel kapag ang average Dubai crude oil price batay sa Mean of Platts Singapore ay umabot sa $80 per bariles.
Awtomatikong ibabalik ang excise tax kapag bumaba na sa itinakdang antas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Binanggit ng mga Cayetano ang lumalalang kawalang-katatagan sa mga pangunahing bansang nagpo-produce ng langis sa Middle East gaya ng Saudi Arabia, Iran, Iraq, Kuwait, Qatar at United Arab Emirates.
Ayon sa kanila, ang tumitinding mga pag-atake at ganting aksyon sa rehiyon ay nagbabanta sa katatagan ng isa sa pinakamahalagang energy supply hubs sa buong mundo.

