Ridon1 Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon

Justice panel magpapasya sa partisipasyong ng 2 abogado ni VP Sara

116 Views

MAGPAPASYA ang House Committee on Justice kung paano haharapin ang partisipasyon ng dalawang abogado sa legal team ni Bise Presidente Sara Duterte matapos ang mga pangamba na maaari rin silang tawagin bilang mga saksi sa impeachment proceedings.

Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, abogado at miyembro ng House Committee on Justice, noong weekend na pag-uusapan ng komite ang isyung ito.

Tinutukoy ni Ridon ang mga abogadong sina Michael Poa at Reynold Munsayac, na kapwa humawak ng mahahalagang posisyon sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong panahon na si Duterte ang kalihim ng edukasyon.

“Well, pag-uusapan ng komite kung ano ang gagawin sa concern na may kinalaman sa dalawang abogado,” sabi ni Ridon, na siya ring Chair ng House Committee on Public Accounts, sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

May kabuuang 16 na abogado ang nag-file ng kanilang appearance bilang counsel ni Duterte sa impeachment case na nakabinbin sa justice panel.

Sa ilalim ng mga patakaran ng Kamara, ang mga abogado na kumakatawan sa mga partido sa impeachment proceedings ay maaaring dumalo sa mga pagdinig ngunit limitado lamang sa pagmamasid sa proseso, habang ang mga deliberasyon ay eksklusibong kapangyarihan ng mga miyembro ng Kamara.

Ayon kay Ridon, wala namang pagtutol ang komite sa karamihan ng mga abogado na kumakatawan kay Duterte, ngunit may mga reserbasyon sila kina Poa at Munsayac dahil sa kanilang mga dating tungkulin sa pamahalaan.

Binanggit din niya na si Munsayac ay nabanggit sa testimonya ng dating DepEd undersecretary na si Gloria Mercado kaugnay ng umano’y pagtatangkang impluwensiyahan ang procurement processes sa departamento.

“Si Mr. Munsayac ay nabanggit ni Usec. Gloria Mercado na sa tingin ko ay sinubukan siyang impluwensiyahan sa proseso ng procurement,” aniya.

Dahil dito, sinabi ni Ridon na maaaring tawagin si Munsayac bilang saksi o resource person sa impeachment proceedings.

Binanggit din ni Ridon na sina Poa at Munsayac ay kapwa naging tagapagsalita ni Duterte noon.

Ayon sa mambabatas, ang pangamba ng komite ay maaaring gamitin ng dalawang abogado ang lawyer-client privilege kung tatanungin sila tungkol sa mga usaping may kinalaman sa kanilang trabaho noong sila ay mga opisyal pa ng pamahalaan.

“Ang ayaw naming mangyari ay ang sitwasyon na sasabihin na lamang ng mga abogadong ito na saklaw sila ng lawyer-client privilege kahit ang mga tanong ay may kinalaman sa kanilang aktwal na trabaho noong sila ay nasa OVP at DepEd,” ani Ridon.

Nauna nang napag-alaman ng justice panel na ang dalawang natitirang impeachment complaint laban kay Duterte ay sapat sa porma at substansya, at kasalukuyan nitong hinihintay ang pormal na sagot ng Bise Presidente bago magpatuloy sa susunod na yugto ng proceedings.