Calendar
INFLATION,PANGUNAHING INAALALA NG MGA PINOY — PULSE ASIA
NANATILING urgent national concern o pangunahing alalahanin ng mga Pilipino ang pagkontrol sa inflation.
Batay sa resulta ng Pulse Asia survey, 59 % sa mga lumahok sa survey ang nagsabing pinakamahalagang tugunan ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon sa Pulse Asia, halos hindi nagbago ang antas ng pag-aalala ng publiko sa 18 pangunahing isyu sa bansa mula Disyembre 2025 hanggang Marso 2026.
Sumunod sa mga inaalala ng mga Pinoy ang graft and corruption sa bansa na may 47% at pangatlo naman ang sahod ng mga manggawang Pilipino na nasa 36%.
Ilan pa sa mga isyong dapat tugunan at inaalala ng mga Pinoy ang pagbawas ng kahirapan, paglikha ng mas maraming trabaho, paglaban sa ilegal na droga, at pagsugpo sa kriminalidad.
Paliwanag ng Pulse Asia, ang inflation at corruption lamang ang itinuturing na urgent ng karamihan sa mga respondents mula sa iba’t ibang rehiyon at antas ng lipunan.
Isinagawa ang survey mula Pebrero 27 hanggang Marso 2, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Pilipinong may edad 18 pataas.

