Martin Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez

Presidential Merit Scholarship Program inaasahang makapaglalabas ng ‘best, brightest’ students

208 Views

UMAASA si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na ang Presidential Merit Scholarship Program ay makapaglalabas ng pinakamahuhusay at pinakamagagaling na mga mag-aaral

Pinuri ni Kinatawan ng Leyte na si Ferdinand Martin G. Romualdez noong Lunes ang pag-apruba sa ikatlong pagbasa ng House of Representatives sa pinagsamang panukalang batas na nagtatatag ng Presidential Merit Scholarship Program.

Ayon sa kanya,”layunin ng programa na palawakin ang akses sa de-kalidad na edukasyon para sa mga magtatapos ng senior high school, hindi lamang mula sa mahihirap na pamilya kundi pati na rin sa mga pamilyang may limitadong kakayahang pinansyal at maging sa gitnang uri.”

Ang House Bill (HB) No. 5763 ni Romualdez ay isinama sa pinagsamang panukala, na pangunahing inakda ni Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte.

“Magbibigay ang programa ng malaking tulong pinansyal sa mga nangungunang mag-aaral sa senior high school. Umaasa tayo na makapagluluwal tayo ng pinakamahuhusay at pinakamagagaling na mga propesyonal na maaaring maging mga lider ng ating bansa sa hinaharap mula sa mga magsisipagtapos na ito,” ani ng lider ng Kamara mula sa Leyte.

Sinabi rin ni Romualdez na umaasa siyang pipili ang mga benepisyaryo ng programa ng mga larangan sa mataas na edukasyon na may mataas na pangangailangan ng mga nagtapos dito sa loob at labas ng bansa.

“Mapapabilis nito ang kanilang pagkakaroon ng trabaho upang agad nilang matulungan ang kanilang mga pamilya,” dagdag ni Romualdez.