Expressway

Mga sasakyan may discount din sa ibang expressways

Jun I Legaspi Mar 21, 2026
270 Views

SIMULA Marso 23 marami pang tollways ang magbibigay ng discount sa toll sa mga tradisyunal at modernong jeepney, bus at freight vehicles alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng krisis sa Gitnang Silangan.

Kasama sa mga magbibigay ng toll discount ang Manila-Cavite Toll Expressway, R1 Expressway Extension, Muntinlupa-Cavite Expressway at Subic-Clark-Tarlac Expressway (Tipo-Tarlac).

Makakatipid kada biyahe ang mga class 1 vehicles ng hanggang P66, class 2 hanggang P131 at class 3 hanggang P197

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez, malaking tulong ang mga discount na ito para sa mga driver at commuter:

“Nagpapasalamat tayo sa mga toll operators dahil malaking tulong itong mga discount para sa ating mga PUV drivers. Alam natin ‘yung hirap na dinaranas ng mga nasa transport sector araw-araw. Kaya tuloy-tuloy lang tayo sa pagpapatupad ng mga programang direktang makatutulong sa kanila,” sabi ni Lopez.

Ang rebate mechanism ay ipatutupad para sa mga kuwalipikadong sasakyan at ang rebate ay ika-kredito lingguhan, dagdag ng kalihim.