Hiling mula Senado: Mas malawak na contingency measures

122 Views

NANAWAGAN ang ilang senador na sabayan ng mas mabilis na ayuda at mas malawak na contingency measures ang deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng national energy emergency habang patuloy na naaapektuhan ng mataas na presyo ng langis ang pamasahe, pagkain, at singil sa kuryente.

Ang deklarasyon ay epektibo sa loob ng isang taon at nagbibigay kapangyarihan sa gobyerno na pabilisin ang pagkuha ng fuel, kabilang ang advance payment kung kailangan, habang inatasan din ang pagbuo ng isang komite na magbabantay sa galaw at suplay ng fuel, pagkain, gamot, produktong agrikultural, at iba pang essential goods.

Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na may humigit-kumulang 45 araw na suplay ng fuel ang bansa batay sa kasalukuyang konsumo at sinisikap ng gobyerno na makakuha ng dagdag na 1 milyong bariles para sa buffer stock.

Sinabi ni Deputy Majority Leader Senator Risa Hontiveros na “papunta sa tamang direksyon” ang deklarasyon, ngunit kukulangin aniya ang executive order kung walang agarang ayudang mararamdaman ng mamamayan.

Itinulak niya ang panukalang P52.8 bilyong supplemental budget para sa oil crisis response, kabilang ang karagdagang transport subsidy, agricultural aid, at pondo para sa repatriation at reintegration ng mga OFW.

Sinabi rin niya na naipasa na ng Senado ang panukalang magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na magbawas o magsuspinde ng excise tax sa fuel, ngunit iginiit niyang panandalian lamang ang magiging ginhawa nito kung hindi sasabayan ng mas malaking pondong pantugon.

Idinagdag pa ni Hontiveros na nakapagtukoy na ang kanyang tanggapan ng mahigit P89 bilyong posibleng pagkunan ng pondo habang nananatiling mababa sa listahan ng mga opsyon ang bagong pag-utang.

Sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian na kailangang pabilisin ang paglalabas ng ayuda ng gobyerno, matapos niyang sabihing nasa 200,000 pa lamang na transport workers sa Metro Manila ang nakatatanggap ng tulong mula sa tinatayang 900,000 hanggang halos isang milyong apektadong transport workers sa buong bansa.

Hinimok din niya ang mga regulator na iwasan ang one-time, big-time na pagtaas ng singil sa kuryente habang pasan ng mga mamimili ang mataas na presyo ng petrolyo.

Ayon kay Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, mahalaga ang pag-amin na may krisis, ngunit ang kailangan ngayon ng publiko ay konkretong aksyon, contingency plan sakaling humigpit ang fuel supply, at malinaw na mga alternatibo. Sinabi rin niya na dapat masaklaw ng tulong ang transport, industriya, at middle-class earners na apektado rin ng pagtaas ng presyo.