Calendar
Ipinakalat ng House of Representatives ang kanilang mga bus sa ilalim ng programang “Biyaheng Damayan,” na nag-aalok ng libreng sakay sa mga commuter sa rutang San Jose del Monte, Bulacan–Welcome Rotonda at pabalik sa Fairview Terraces, bilang bahagi ng isang pansamantalang inisyatiba sa transportasyon upang makatulong na maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng gasolina sa mga manggagawa, estudyante, at araw-araw na pasahero.
Naglunsad ang Kamara ng libreng sakay mula SJDM–Welcome Rotonda–Fairview Terraces
NAGLUNSAD noong Huwebes ng umaga ang House of Representatives ng isang libreng sakay na programa para sa mga commuter na bumibiyahe mula San Jose del Monte, Bulacan patungong Quezon City Rotonda—na mas kilala bilang Welcome Rotonda—at pabalik hanggang Fairview Terraces. Bahagi ito ng pansamantalang hakbang upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa mga manggagawa, estudyante, at iba pang araw-araw na pasahero.
Ang proyektong tinawag na “Biyaheng Damayan: Libreng Sakay mula sa Kongreso” ay pinagsamang inisyatiba nina Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.
Isinasagawa ang programang ito habang tumitindi ang tensyong geopolitical sa Middle East na nagdudulot ng kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang merkado ng langis, na may epekto sa pamasahe, presyo ng pagkain, at iba pang pangunahing bilihin.
“Layunin nito na matiyak na nararamdaman ang tugon ng pamahalaan sa pinakamahalagang aspeto—ang pang-araw-araw na buhay ng ating mga mamamayan,” ani Marcos.
“Habang tumataas ang presyo ng langis at pamasahe dahil sa mga pangyayaring wala sa ating kontrol, tungkulin nating tiyakin na may agarang tulong para sa ating mga kababayan.”
Binigyang-diin ni Marcos na ang programa ay nakaayon sa mas malawak na estratehiyang pang-ekonomiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong gamitin ang buong makinarya ng gobyerno upang maibsan ang epekto ng mga panlabas na salik sa ekonomiya ng bansa.
“Ang libreng sakay na ito ay bahagi ng whole-of-government approach ng Pangulo upang maprotektahan ang purchasing power ng mga pamilyang Pilipino,” ani Marcos. “Hindi puwedeng puro pangmatagalang solusyon lamang. Kailangan may agarang ginhawa para sa mamamayan habang inaayos ang mas malalaking usapin sa ekonomiya.”
Sa ilalim ng aprubadong plano, apat na bus ng Kamara ang bibiyahe tuwing Lunes, Huwebes, at Biyernes simula Marso 26, sa oras ng umaga at hapon na rush hour.
Pansamantala lamang ang programa habang nananatiling mataas ang presyo ng langis at patuloy na nararamdaman ng mga commuter ang bigat ng tumataas na gastos sa transportasyon.
Sasaklawin ng libreng sakay ang dalawang magkakaugnay na ruta tuwing umaga: mula San Jose del Monte, Bulacan patungong Quezon City Rotonda, at mula Quezon City Rotonda patungong Fairview Terraces. Sa hapon at gabi, ang biyahe ay mula Quezon City Rotonda papuntang Fairview Terraces at pabalik, upang mapadali ang paggalaw ng mga pasahero sa isa sa pinakaabalang ruta sa hilagang bahagi ng Metro Manila at karatig na Bulacan.
Ayon sa liham ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Marso 25 kay House Secretary-General Cheloy Velicaria-Garafil, wala itong pagtutol sa pagpapatakbo ng apat na bus sa ilalim ng programa. Hindi rin kailangan ng special permit dahil ang mga sasakyan ay opisyal na government vehicles at walang sisingiling pamasahe sa mga pasahero.
Ang iskedyul ng bus ay mula 5:30 a.m. hanggang 8:00 a.m. sa umaga, at mula 4:00 p.m. hanggang 7:00 p.m. sa hapon o gabi.
Pinili ang mga oras na ito upang tumugma sa peak hours kung kailan pinakamaraming pasahero—lalo na ang mga manggagawa at estudyante—ang naghihintay ng masasakyan at nakakaranas ng matinding trapiko.
Ayon sa concept paper ng Kamara, ang pangunahing benepisyaryo ng libreng sakay ay ang mga arawang manggagawa, empleyado, at mga estudyante, kabilang ang mga nasa pampublikong paaralan at state universities at colleges.
Binibigyan din ng prayoridad o assisted boarding ang mga senior citizen, persons with disabilities, at mga buntis, bilang bahagi ng layunin ng programa na tulungan muna ang mga higit na nangangailangan.

