Sara Duterte

Boboto kay Mayor Sara mahigit triple ng nakuha ni Sotto

263 Views

LALO pang lumaki ang kalamangan ni Lakas-Christian Muslim Democrats chairperson at Davao City Mayor Sara Duterte sa kanyang mga kalaban sa pagkabise presidente sa paparating na halalan.

Sa nationwide voter preference survey ng Laylo Research na isinagawa mula Enero 10 hanggang 26, nakakuha si Duterte ng 60% mahigit triple ng nakuha ng pumapangalawa na si Senate President Tito Sotto III na nakakuha ng 19%.

Si Duterte ang top choice ng mga Pilipino maging sa urban (59%) o sa rural area man (61%).

Namayagpag naman si Duterte sa lahat ng economic class. Nakakuha ito ng 65% sa Class ABC, 59% sa class D at 61% sa class E.

Si Duterte rin ang pinili ng mga lalaki (62%) at mga babae (59%).

Sa kaparehong survey ay sinukat din kung gaano pinagkakatiwalaan ang mga kandidato sa pagkapangalawang pangulo.

Nakakuha si Duterte ng 56% trust rating malayo sa 18% na nakuha ni Sotto.

Pinakamataas ang net trust rating na nakuha ni Duterte sa Mindanao (81%), na sinundan ng North/Central Luzon (54%), National Capital Region (50%), Visayas (48%) at South Luzon/Bicol (41%).

Umiikot si Duterte sa buong bansa dala ang panawagan ng pagkakaisa upang agad na malagpasan ng mga Pilipino ang hamon na dala ng COVID-19 pandemic at ang pangko na ipagpapatuloy ang mga magagandang programa ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.