Kulong

Dahil sa palusot na yosi, 3 inaresto

Steve A. Gosuico Mar 28, 2026
254 Views

CAMP GEN. MARIANO N. LLANERA, Cabanatuan City–Kalaboso ang inabot ng tatlong lalaki na sakay ng van nang mahuli smna may karga sa sasakyan na P690,000 na halaga ng iligal na sigarilyo sa Cuyapo, Nueva Ecija noong Sabado.

Ayon kay Nueva Ecija cop chief Col. Ritchie Claravall, dakong alas-12:50 ng madaling araw nang mapansin ni Lt. Col. Perfecto De Mayo Jr., hepe ng Cuyapo PNP, ang itim na Starex van sa Cuyapo-Talugtug Road sa Bgy. Columbitin, Cuyapo, Nueva Ecija.

Sa pag-inspeksyon, nakita ng mga operatiba ang mga kahon ng sigarilyo na sa loob ng sasakyan.

Walang maipakitang dokumento para sa kanilang kargada ang driver, 59, at ang kanyang dalawang kasamahan kaya inaresto sila.

Kinumpiska ang kargamento nila na 30 kahon ng Modern Light na sigarilyo na may tinatayang halaga na P690,000.

Ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang kontrabando ay nasa kustodiya na ng pulis.

“Ipinapakita ng operasyong ito ang aming pangako na itigil ang pagdadala at pagbebenta ng mga ilegal na sigarilyo sa probinsya,” sabi ni Claravall.