PCSO AI generated image ng LCV

PCSO magkakaloob ng landing craft vessel sa Batanes

Edd Reyes Mar 30, 2026
91 Views

MAGKAKALOOB ng landing craft vessel (LCV) ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Batanes upang mapagbuti ang transportasyon ng pasyente patungo sa pagamutan.

Ayon kay PCSO General Manager Melquiades “Mel” Robles, parang isang “mini RoRo” ang LCV na makakapagsakay, hindi lang ng mga ambulansiyang may dadalhing pasyente patawid sa mga Isla tulad sa Sablang at Basco sa Batanes, kundi sa paghahatid din ng medical supplies, responders, at health workers.

“This means the patient can remain inside the ambulance from the point of transport until arrival at the hospital, without the need for repeated transfers. Direkta natin silang madadala sa pinakamalapit na pagamutan—isang tunay na door-to-door na serbisyong medikal,” pahayag ni Robles.

Bukod sa Batanes, plano ring mag-deploy ngayong taon ng LCV ang PCSO sa mga lalawigang may mga nakahiwalay na munisipalidad sa bawa’t isla na hirap makapagbiyahe ng pasyente patungo sa ospital na bahagi ng pagtugon sa direktiba ng Pangulong Bongbong Marcos na maging accessible sa lahat ang pangangalaga sa kalusugan.

Nakita ng PCSO ang pangangailangan sa mabilis na transportasyon ng pasyente nang magsagawa sila ng dalawang araw na medical at dental mission para sa libreng konsultasyon, medisina, at diagnostic services sa daan-daang benepisyaryo sa Sablang at Basco noong Marso 26 at 27. (edd reyes)