Zamora San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, House committee on justice vice chair

Panel beberipikahin affidavit ni Madriaga — Zamora

79 Views

BEBERIPIKAHIN ng House committee on justice ang katotohanan ng salaysay sa affidavit ng detained witness na si Ramil Madriaga, na inilalarawan sa mga pagdinig bilang umano’y dating bagman ni Vice President Sara Z. Duterte, habang nagpapatuloy ito sa pagtukoy ng probable cause sa kasong impeachment.

Sinabi ni San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, vice chair ng komite, nitong Lunes sa ANC Headstart na tungkulin ng panel sa yugtong ito na tasahin ang kredibilidad ng mga pahayag ni Madriaga laban kay Duterte.

“Well, we are limited by this preliminary investigation. We are there to check the veracity,” ani Zamora, at idinagdag na hindi pa idinedeklara ng komite kung si Madriaga ay isang competent o incompetent na saksi, sa kabila ng mga tanong ng ilang mambabatas tungkol sa kanyang pagkatao.

Ayon kay Zamora, obligasyon ng panel na tukuyin kung nagsasabi ng totoo si Madriaga sa kanyang affidavit, ngunit binigyang-diin na hindi ito magsasagawa ng masinsinang pagtatanong na karaniwang inaasahan sa isang paglilitis sa Senado.

“We will not be conducting all of the searching questions that are expected to come from the senators,” giit niya.

Sinabi rin ni Zamora na ang mga pagdinig sa Kamara de Representantes ay hindi isang paglilitis, kaya hindi pinahihintulutang mag-cross-examine ng mga saksi ang mga abogado ni Duterte sa yugtong ito.

“They (defense lawyers) are not allowed to cross, to ask questions for the very reason that this is a preliminary investigation. And even in a prosecutor’s office, the parties or their counsels are not allowed to do that,” paliwanag ni Zamora.

“So it is the members of the Justice Committee who are acting as prosecutors who are expected to propound questions to the witnesses,” saad pa niya.

Kasalukuyang nakakulong si Madriaga sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City, kung saan siya ay nakapiit habang dinidinig ang kasong kidnapping-for-ransom laban sa kanya.

Sinabi ni Zamora na makikipag-ugnayan ang Kamara sa mga korte at law enforcement authorities upang matiyak ang kanyang paglahok, at inaasahang dadalo si Madriaga sa pagdinig sa Abril 14.

“As of the last hearing, when we approved the motions made then, we all agreed that, of course, the jurisdiction as regards Madriaga lies with the court where the case is pending. And we will be in coordination with the court and the police and the other officials,” aniya.

Kinilala si Madriaga bilang pangunahing saksi sa mga reklamo sa impeachment, na kinabibilangan ng mga paratang kaugnay sa umano’y paghawak ng confidential funds sa panunungkulan ni Duterte bilang bise presidente at bilang noo’y kalihim ng edukasyon.

Sa pagdinig noong Marso 25, inaprubahan ng House justice panel ang mga mosyon na magpalabas ng subpoena kay Madriaga at kunin ang kanyang affidavit bilang bahagi ng proseso ng pangangalap ng ebidensiya, kasabay ng pagpapatupad ng mga hakbang upang matiyak ang kanyang presensiya at kaligtasan.

Kasalukuyang tinutukoy ng komite ang probable cause, ang huling hakbang bago maipadala ang kaso sa Senado. Nakatakda ang mga pagdinig sa Abril 14, 22 at 29 bilang bahagi ng nagpapatuloy na proseso.

Sa ilalim ng mga patakaran ng Kamara, ang mga pagdinig sa impeachment sa yugtong ito ay itinuturing na isang preliminary investigation.

Ang Senado, na uupo bilang impeachment court, ang siyang huling magpapasya sa kredibilidad ng mga saksi at maghahatol sa mga paratang.