Arestado

Nananakit, nagmura, nanira sa resto bar, swak sa selda

Edd Reyes Mar 31, 2026
100 Views

PATONG-PATONG na kaso ang isasampa ng pulisya laban sa 48-anyos na negosyante bunga ng ginawang panggugulo, pananakit, pagmumura at paninira ng gamit sa loob ng isang resto bar Martes ng madaling araw sa Taguig City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo ang suspek na si alyas “James”, 48, residente ng Green Hills West, San Juan City, na inaresto dakong alas-2:37 ng madaling araw sa loob ng resto bar sa Forbes Town Road, Bonifacio Global City.

Batay sa ulat, nagresponde ang mga tauhan ni Taguig police chief P/Col. Julius Anonuevo sa iniulat na kaguluhan sa naturang resto bar at dito nila inabutan ang suspek habang minumura at sinisigawan ang isang lasing na dayuhan na umano’y hindi nagbayad ng bill sa nakonsumong inumin at pagkain.

Tinangkang pakalmahin at awatin ng mga pulis si James subalit lalu umano itong nagwala kaya’t inaresto siya ng mga pulis.

Nang dalhin sa Sub-Station 1 ng Taguig police, lalung naging bayolente ang suspek, nanira ng mga gamit sa presinto at nanakit pa ng isa sa nagrespondeng pulis kaya’t dinala siya sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) para sa pagsasampa ng mga kasong Alarms and Scandal, Resistance and Disobedience to a Person in Authority, Direct Assault, Malicious Mischief, at Unjust Vexation sa Taguig City Prosecutor’s Office.