Gas

Supervisor sa gas station ‘nagtangay’ ng P57M, tiklo

Edd Reyes Mar 31, 2026
268 Views

TIMBOG ang 35-anyos na gas station supervisor na nakapagtangay ng mahigit P50 milyong cash sa pinaglilingkurang kompanya matapos matunton ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Martes ng hapon sa Paranaque City.

Naaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Manila Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Richelle Lou S. Boling-Sanchez ng Branch 47 sa kasong Qualified Theft ang akusadong si alyas “Rina” na nagta-trabaho na sa isang kompanya sa Paranaque City.

Ayon kay Elizabeth Solis, kinatawan ng gas station na nasa Taft Avenue, Manila, noong pang nakaraang Marso ng nagdaang taon naglabas ng warrant of arrest ang korte matapos magtago ang akusado at hindi na natunton ng pulisya sa kanilang bayan sa Cagayan.

Nagtagal din umano ng isang taon ang ginawang pangungulimbat ng akusado sa pinaglilingkurang gas station kaya umabot sa kabuuang P57 milyon ang kanyang natangay sa pamamagitan ng pamemeke sa deposit slip ng bangkong pinaglalagakan ng benta ng gas station.

Nagagawa umanong i-falsify ng akusado ang deposit slip para gawing P800, 000 ang naidedeposito para palabasing naideposito subalit nakulimbat na nito ang mas malaking halaga.

Nabuko lang ang akusado nang magsagawa ng auditing ang kompanya bukod sa bigla ring paglobo ng yaman niya.