Calendar
Lalaking masahista nahuling vini-videohan customer na babae, timbog
KALABOSO ang 29-anyos na lalaking massage therapist nang tangkaing kuhanan ng video ang paghuhubad ng damit ng babaing customer sa isang spa Martes ng hapon sa Paranaque City.
Dinakip ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo si alyas “Jun-Jun” residente ng Pasay, matapos ireklamo ng 31-anyos na babaing customer na magpapamasahe sa naturang spa na nasa ikalawang palapag ng isang mall sa Barangay Tambo.
Sa ulat ng mga tauhan ng Tambo Police Sub-Station, nagtungo ang biktima, kasama ang isang kaibigan sa naturang spa dakong alas-2:30 ng hapon upang magpamasahe, nang atasan siya ng babaing therapist na magmamasahe sa kanya na hubarin ang kanyang damit sa loob ng cubicle.
Nagsisimula pa lamang maghubad ng damit ang biktima nang mapansin niya ang bahagyang paghawi ng kurtina ng suspek habang nakatutok sa kanya ang hawak na cellphone na dahilan para niya komprontahin ang lalaki.
Isinumbong ng biktima at ng kanyang kasama sa pamunuan ng spa ang pagkuha ng video na dahilan upang tumawag ng pulis manager ng spa na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act at Unjust Vexation.

