sara

Sakripisyo ng mga guro kinilala ni VP Sara

200 Views

Kinilala ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang sakripisyo at pagsusumikap ng mga guro upang maturuan ang mga kabataan.

Sinabi ni Duterte na sinasalamin ng mga guro ang katatagan at puso ng bansa sa kanilang paghahanap ng paraan upang patuloy na maturuan ang kanilang mga estudyante sa gitna ng mga hamon na dala ng pandemya.

“Our teachers deserve respect and admiration for their undying dedication to guiding and helping our learners, parents, and guardians when the whole world had to shift to home learning drastically because of the pandemic,” sabi ni Duterte.

Sa pagbabalik umano ng in-person learning ay muling nanguna ang mga guro upang tiyakin na magiging matagumpay ito.

“Hindi ninyo inalintana ang pagod, ang hirap, ang kritisismo, at pati ang takot na patuloy na dala ng pandemya. Bilib ako sa tibay ng puso ninyo,” dagdag pa ng kalihim ng Department of Education (DepEd).

Sinabi ni Duterte na gagawin ng DepEd ang lahat upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga guro.

“Ang Kagawaran ay magsusumikap sa pagtuon sa mga hinaing at mga pangangailangan ng ating mga guro. Pagmamahal, respeto, at suporta—ang mga iyan po ang dapat nating ibigay at ipakita sa ating mga Pilipinong guro, ang dangal ng sambayanang Pilipino,” sabi pa ni Duterte.

Kabilang sa hinihingi ng mga guro ang dagdag na sahod at allowance na pambili sa mga gamit sa pagtuturo.