Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
PTV ptv

Hazing di kinukunsinti ng PNP; 3 kadete nasakote

Alfred Dalizon Apr 10, 2026
97 Views
PNP
PNP
Napolcom
Napolcom

TATLONG kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) na inakusahan ng pagkakasangkot sa isang marahas na insidente ng hazing sa pangunahing institusyong pagsasanay ng mga opisyal ng pulisya ay inaresto at ngayon ay nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo na magdudulot ng kanilang pagpapatalsik, ayon sa natuklasan ng Journal Group kahapon.

Ilan pang mga kaklase ng mga akusado na hindi pinangalanan ay iniimbestigahan din kaugnay ng kasong hazing kung saan ang mga biktima ay dumanas ng pisikal na pang-aabuso at pagmamaltrato, na nagdulot ng malulubhang sugat sa kanilang katawan at maging sa kanilang mga ari, ayon sa mga source.

May ilang kadete umano na nagtamo ng paso sa kanilang ari matapos na piliting pahiran ng pamahid na may halong asido.

Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng PNP na iniutos nito ang “mabilis at tiyak na aksyon” kaugnay ng insidente.

“Agad na inaksyunan ang insidente, na nagresulta sa pagkuha sa kustodiya ng lahat ng sangkot para sa tamang imbestigasyon at legal na proseso,” ayon kay PNP chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Ipinunto ng hepe ng PNP na mahigpit at walang palyang ipinatutupad ng organisasyon ang zero-tolerance policy laban sa hazing at lahat ng uri ng pagmamaltrato, na itinuturing na mabigat na paglabag sa batas at disiplinang institusyonal.

“Gawin na itong malinaw at walang pag-aalinlangan: hindi poprotektahan, kokonsintihin, o palalampasin ng PNP ang anumang gawa ng hazing o pang-aabuso. Ang mga mapatutunayang responsable ay haharap sa buong bigat ng pananagutang legal, administratibong parusa, at pagkawala ng pribilehiyong maglingkod sa institusyon. Walang pagtatakip at walang pagluwag,” ani Gen. Nartatez.

Sinabi rin ng hepe ng PNP na isasama rin sa kaso ang “command responsibility.”

“Anumang pagkukulang sa pamumuno, superbisyon, o disiplina ay aaksyunan alinsunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon. Hahabulin ang hustisya hanggang sa sukdulan. Tinitiyak ng PNP sa publiko na igagalang ang due process at lahat ng responsable ay mananagot nang walang kinikilingan,” dagdag niya.

Ipinapaalala rin ng hepe ng PNP sa lahat ng kadete at tauhan ng PNPA na ang hazing at anumang uri ng pang-aabuso ay walang puwang sa institusyon at mahigpit na ipinagbabawal.

“Ang Philippine National Police ay nananatiling matatag sa pagpapatupad ng pananagutan, disiplina, at pagprotekta sa batas sa loob ng hanay nito,” ani Gen. Nartatez.

Mariing kinondena ng National Police Commission (Napolcom) ang naiulat na insidente ng hazing sa PNPA.

“Ang gawaing ito ay hindi lamang lubhang nakababahala—ito ay hayagang paglabag sa batas, direktang pagsuway sa dignidad ng tao, at ganap na hindi katanggap-tanggap. Ang PNPA ay institusyong pang-edukasyon na inaatasang hubugin ang mga magiging lider ng Philippine National Police…,” ayon kay Napolcom Vice Chairman at Executive Officer, Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan.

Dagdag pa niya, ang hazing sa loob ng institusyon ay patunay ng pagbagsak ng disiplina, pamumuno, at pananagutang institusyonal.

Sinabi rin niya na lahat ng sangkot, direkta man o hindi direkta, ay mananagot administratibo at maaaring kasuhan ng krimen alinsunod sa umiiral na batas.

“Ang katahimikan, pagtatago, o kawalan ng pakialam ay pakikibahagi sa kasalanan,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ng Napolcom na hindi nito hahayaan ang kultura ng karahasan, impunidad, o pagkabigo ng institusyon sa loob ng akademya na nagsasanay ng mga tagapagpatupad ng batas.