Oducado

Party list solon nanawagan ng solusyon sa mataas na presyo ng krudo

Mar Rodriguez Apr 13, 2026
192 Views

NANAWAGAN si 1-Tahanan Party List Rep. Nathaniel Oducado sa pamahalaan ng agarang paglalatag ng solusyon at pagtutok sa problema tungkol sa mataas na presyo ng krudo para matulungan ang sektor ng pangingisda.

Sinabi ni Oducado na ang kaniyang pahayag ay kasunod ng mga ulat na walang municipal at commercial na mga sasakyang pandagat ang nagbaba ng isda sa Market Hall 1 ng General Santos Fish Port na labis naman nitong ikinababahala.

“Kapag mahigit 80% ng gastos ng bangka ay napupunta lang sa krudo. Ibig sabihin kahit pumalaot ka, lugi ka na agad,” sabi ng mamababatas.

Mahigit 13,000 manggagawa sa General Santos City ang umaasa sa industriya ng pangingisda at kapag walang isdang ibinababa bumabagal ang operasyon ng planta ng pagproseso, humihina ang airport cargo at nawawalan ng kita ang mga mga pamilyang umaasa dito.

Pagbibigay diin pa ni Oducado na dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng krudo maraming boat operator ang nagsabi na ang P5,000 cash aid ay isang panandaliang tulong lamang dahil ang mga tripulante ay maaaring mag-uwi lamang ng P2,000 hanggang P3,000.

“Hindi ayuda ang kulang kundi sistema ang kailangang ayusin. Kaya’t marami ang nawawalan ng ganang pumalaot,” dagdag pa ni Oducado.