Calendar
Source: PNP-AKG
Kidnap-for-ransom victim nasagip ng PNP-AKG sa Paranaque; 4 na suspek dedo


NASAGIP ng ligtas ng mga ahente ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) noong Miyerkules ng gabi ang isang biktima ng kidnapping-for-ransom sa Lungsod ng Parañaque matapos ang isang operasyon na nagresulta rin sa pagkakapatay ng apat na armadong suspek, dalawa sa kanila ay sinasabing mga dating pulis na natanggal na sa serbisyo.
“Kumpirmado ng Philippine National Police ang ligtas na pagkakasagip sa biktima ng kidnapping matapos ang isang koordinadong operasyon na isinagawa ng Anti-Kidnapping Group (AKG) noong gabi ng Abril 15, 2026 sa Parañaque City,” ayon kay PNP chief, General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
“Ang operasyon ay bunga ng malapit na koordinasyon ng mga yunit, suportado ng maagap na pagtukoy at tuloy-tuloy na pagmamanman, na nagbigay-daan upang mabilis na makakilos ang mga operatiba at masiguro ang kaligtasan ng 78-anyos na biktima,” dagdag ng hepe ng pulisya.
Ayon kay Gen. Nartatez, sa isinagawang rescue operation ay nakipagbarilan ang mga suspek sa mga rumespondeng pulis. Apat sa mga suspek ang napatay sa engkuwentro habang isang operatiba ng PNP-AKG ang dinala sa ospital.
Apat na pinaghihinalaang kidnapper ang nasugatan at agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital para sa agarang lunas. Isang operatiba ng pulisya ang nagtamo rin ng bahagyang sugat at nasa maayos nang kalagayan.
“Binibigyang-diin ng PNP na ang pangunahing layunin ng operasyon ay ang ligtas na pagsagip sa biktima, na matagumpay na naisakatuparan sa pamamagitan ng maingat at angkop na aksyon ng pulisya. Patuloy ang follow-up at hot pursuit operations upang matukoy, mahanap, at madakip ang iba pang sangkot,” ani Gen. Nartatez.
Sinabi ni PNP-AKG director Brigadier General Glicerio C. Cansilao na dinukot ng mga suspek ang 78-anyos na biktima—isang Indian national na isa nang naturalized Filipino citizen—malapit sa Ayala Malls sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Avenue sa Parañaque City bandang 5:30 ng hapon noong Martes.
Noong Miyerkules ng gabi, ginamit ng mga kidnapper ang telepono ng biktima upang tawagan ang kanyang anak at humingi ng P50 milyong ransom. Matapos ang negosasyon, pumayag ang mga suspek na ibaba ito sa P10 milyon na inihatid ng kinatawan ng pamilya bandang 7:11 ng gabi.
Mula sa malayo, minatyagan ng mga operatiba ng PNP-AKG ang sitwasyon at inilunsad ang operasyon kung saan matagumpay nilang nasagip ang biktima at nakipagbarilan sa mga kidnapper.
Isang operatiba ng AKG ang tinamaan ng bala sa braso ngunit idineklarang nasa ligtas na kondisyon ng mga doktor. Ang apat na suspek ay idineklarang dead on arrival sa ospital.
Tatlo sa mga napatay ay nakilala bilang sina dating Police Corporal Robert Allan Raz, miyembro ng Eastern Police District na sinibak sa serbisyo noong Mayo 15, 2025 dahil sa matinding kapabayaan sa tungkulin; dating Cpl. Angel Nabor, na dating naka-assign sa National Capital Region Police Office Regional Personnel Holding and Accounting Section at nahaharap sa kasong malversation of public funds na may warrant of arrest mula sa Manila Regional Trial Court Branch 28; at si Rhian de Guzman, umano’y ahente ng National Bureau of Investigation.
Ang pagkakakilanlan ng ikaapat na suspek ay inaalam pa sa oras ng paglalathala.
Sakay ang mga suspek ng isang Toyota Fortuner kung saan narekober ang iba’t ibang baril na may mga bala, isang granada, iba’t ibang conduction stickers at plaka, at mga identification card kabilang ang isang umano’y NBI ID, gayundin ang bahagi ng ransom money.
Matapos ang operasyon sa Parañaque City, nakarekober ang mga pulis sa Maynila ng isang inabandunang Mitsubishi Xpander na pinaniniwalaang ginamit ng ilan sa mga tumakas na suspek sa harap ng Rizal Memorial Coliseum sa Adriatico Street sa Barangay 720, Malate bandang 8:15 ng gabi noong Miyerkules.
Ayon sa dalawang parking boy, nakita nilang nagmamadaling umalis ang tatlong lalaki mula sa sasakyan na may sirang rear windshield at flat na gulong sa kanan at harapan.
Isinailalim ang sasakyan sa SOCO examination ng pulisya.
Sinabi ni Brig. Gen. Cansilao na pinaniniwalaang ang mga suspek ay mga tiwaling law enforcers na may naunang mga kasong kriminal at iniuugnay sa hindi bababa sa tatlong insidente ng kidnapping.
Ayon naman kay PNP spokesman Brig. Gen. Randulf T. Tuaño, kapwa pinuri nina Gen. Nartatez at Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor C. Remulla Jr. ang PNP-AKG dahil sa malaking pagbawas ng mga kaso ng kidnapping-for-ransom sa bansa mula noong nakaraang taon.
Dagdag pa niya, patunay ang operasyong ito na hahabulin ng pulisya ang sinumang lalabag sa batas at walang sasantuhin kahit aktibo, natanggal, o retiradong tauhan ng pulisya.

