Direktiba ng COA tinanggap ng UPAC

Jun I Legaspi Apr 17, 2026
69 Views

TINANGGAP ng Urban Poor Action Committee (UPAC) ang direktiba ng Commission on Audit (COA) hinggil sa pagkukwenta ng mga insentibo sa pagsunod ng mga developer sa Balanced Housing Development Program (BHDP) na hakbang tungo sa mas makabuluhang pabahay para sa mga maralita.

Sa sulat na ipinadala kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, binigyang-diin ng UPAC na ang utos ng COA ay mahalagang hakbang upang palakasin ang pananagutan at mapabuti ang akses ng mga maralitang komunidad sa suporta sa pabahay.

“Ang panawagan ng COA na muling kwentahin ang lahat ng incentivized compliance sa BHDP mula pa noong 2018 ay makabuluhang hakbang upang matiyak ang pananagutan at pagsunod sa batas.

Magbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa mga maralita na matagal nang limitado ang akses sa abot-kayang pabahay,” ayon sa UPAC.

Ang liham ay nilagdaan nina Urban Poor Associates Executive Director Alicia Murphy, Community Organizers Multiversity Executive Director Lucila Malibiran, KOSMAT President Jorgie Tonelete at ULAP Confed President Madeline Suarez.

Nanawagan ang mga grupong maralita sa DHSUD na tumugon sa direktiba ng COA.

“Inaasahan naming ang agarang tugon ng kagawaran sa usaping ito at nananatili kaming kumpiyansa na magbubunga ito ng makabuluhang progreso sa paghahatid ng serbisyong pabahay sa mga maralitang komunidad,” dagdag ng UPAC.

Sa ilalim ng Department Order No. 2021-004, ang pagkukwenta ay “nagbawas sa kinakailangang partisipasyon para sa non-saleable at non-recoverable portion sa 25% ng itinakdang 5% o katumbas ng 5% ng kabuuang gastos sa proyekto ng pangunahing subdibisyon o condominium.”

Ayon sa kanila, ang naturang kautusan ay “nagpababa sa pondo para sa BHDP, na lalong nagpahirap sa mga grupong maralita na makakuha ng sapat na pondo at suporta para sa mga proyektong pabahay gaya ng People’s Plans at iba pang kahalintulad na inisyatibo.”

Alinsunod sa batas, ang mga developer ng subdibisyon at condominium ay kinakailangang maglaan ng bahagi ng kanilang proyekto o gastos para sa socialized housing.

Tiniyak ni Secretary Jose Ramon Aliling na nakipag-ugnayan na ang kagawaran sa COA upang linawin ang direktiba at masiguro ang tamang pagpapatupad nito.