Calendar
Sen. Kiko: 15-day payment period sa Sagip Saka Act sundin
NANAWAGAN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa mga ahensya ng gobyerno na sundin ang 15-working-day payment period sa ilalim ng Sagip Saka Act.
Sinabi ni Pangilinan na mahalaga ang agarang bayad upang manatiling may sigla ang produksyon at mapalakas ang food security.
Ang batas na kanyang akda at naipasa noong 2019 ay nagpapahintulot sa mga national government agency at local government units na direktang bumili ng pagkain mula sa mga magsasaka at mangingisda.
Nagbabala si Pangilinan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na hindi niya susuportahan ang kanilang budget hangga’t hindi naaayos ang mga hindi pa nababayarang obligasyon sa mga magsasaka at mangingisda matapos magreklamo ang mga grupo sa Mindanao tungkol sa naantalang bayad.
Ayon sa dalawang grupo, mayroon pang hindi nababayarang obligasyon ang Department of Education na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso para sa mga pagkaing binili para sa feeding programs mula pa noong huling bahagi ng nakaraang taon.
“Hindi naman tama na ang ating mga magsasaka at mangingisda pa ang lalo nating pahihirapan dahil sa kakulangan at kahirapan ng sistema sa gobyerno. Hindi sila dapat magdusa at sumalo ng pagkatalo dahil hindi tayo makabayad sa oras,” aniya.
Hinimok niya ang mga ahensyang sangkot sa pagbili ng produktong agrikultural at pangisdaan, pamamahagi ng subsidy at mga credit program na ayusin ang proseso ng pagbabayad, palakasin ang koordinasyon at tiyakin ang agarang pagbabayad ng mga obligasyon.

