Chua2

Chua: ‘Pagdulog sa korte’ ng kampo ni VP Sara diversion sa mahahalagang isyu

54 Views

MARIING kinondena ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chair Joel Chua noong Martes ang aniya’y magkakaugnay na legal na hakbang ng kampo ni Bise Presidente Sara Z. Duterte upang hadlangan ang paglabas ng mahahalagang rekord pinansyal, at sinabing mas lalo lamang itong nagbubukas ng mga tanong tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

“Kitang-kita na ng taumbayan ang galaw: dalawang korte, iisang layunin—magtago,” ani Chua sa isang pahayag.

Itinuro niya na si Duterte ay dumulog sa Korte Suprema, habang ang kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio ay nagsampa ng hiwalay na mga kaso sa mababang hukuman.

“Magkaibang korte ang tinatakbuhan, pero iisa lang ang gustong mangyari—pigilan ang paglabas ng katotohanan,” dagdag niya.

Binatikos din ni Chua ang Bise Presidente dahil umano sa hindi direktang pagtugon sa mga isyung itinataas sa mga pagdinig sa Kongreso.

“Sa halip na humarap sa Kongreso at sumagot sa ilalim ng panunumpa, puro press conference, social media statements, at pagdulog sa korte ang ginagawa,” ani Chua. “Kung walang tinatago, bakit hindi harapin ang mga tanong nang direkta?”

Ayon kay Chua, nararapat lamang na magkaroon ng akses ang publiko sa mga opisyal na dokumentong pinansyal, partikular ang mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), na aniya’y makapagbibigay-linaw sa galaw ng pera at sa katumpakan ng mga deklarasyon ng kita.

“Simple lang ang hinihingi ng taumbayan—ilabas ang AMLC at BIR records. Doon makikita kung saan galing ang pera at kung tama ang deklarasyon,” ani Chua.

Binigyang-diin niya na hindi ito usaping pulitikal kundi usapin ng pananagutan.

“Hindi ito tsismis o haka-haka. Opisyal na dokumento ang pinag-uusapan. Kung malinis, bakit tinatakpan? Kung maayos, bakit pinipigilan?” tanong niya.

Tinapos ni Chua ang kanyang pahayag sa isang matinding hamon: “Bilyon-bilyong piso ang pinag-uusapan. Saan nanggaling—at bakit kailangang itago?”