Chua

Chua: “Death threat” umano ni VP Sara vs PBBM na pinatunayan ng NBI, “nagsasalita para sa sarili nito”

29 Views

SINABI ni Manila Rep. Joel Chua noong Huwebes na ang umano’y banta ni Vice President Sara Z. Duterte na ipapatay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at iba pang matataas na opisyal ay “mahirap pabulaanan,” at iginiit na ang isang napatunayang video ng kanyang mga pahayag ay “nagsasalita para sa sarili nito.”

“‘Yung video kahapon, ‘yung video presentation, sabi nga that thing speaks for itself—res ipsa loquitur. ‘Yung video mismo, napanood naman nating lahat. Sa katunayan, naiulat pa ito hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo, kaya medyo mahirap na i-rebut ang lahat ng ito,” ani Chua sa panayam sa dzBB.

Tinutukoy ni Chua ang video noong Nobyembre 23, 2024 na ipinrisinta ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Miyerkules, kung saan nakitaan ng probable cause ang impeachment laban sa Bise Presidente batay sa dalawang natitirang reklamo.

Sa video, maririnig si Duterte na nagsasabing may kinausap siya na kanyang inutusan na patayin si Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay, at binigyang-diin pa na “hindi biro” ang utos.

Ayon sa NBI, ang video ay tunay, hindi inedit, at hindi gawa ng artificial intelligence.

Nakatuon ang mga reklamong impeachment laban kay Duterte sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential at intelligence funds, mga tanong hinggil sa hindi maipaliwanag na yaman, at ang umano’y banta laban sa Pangulo at iba pang matataas na opisyal.

Ayon kay Chua, na chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability at miyembro ng Justice panel, lalo pang tumitibay ang kaso dahil sa kawalan ng kontra-ebidensya mula sa kampo ni Duterte.

“Wala namang naiprisintang ebidensya na puwedeng mag-rebut sa mga ebidensyang ipinakita. Kung ako ang tatanungin, mabibigat talaga ang mga naipresenta—mga dokumento, numero, papel—na hindi basta-basta mababalewala,” ani Chua.

Samantala, tinanggihan ni Chua ang pahayag na ang banta ng Bise Presidente ay “conditional” lamang, at iginiit na ang anumang banta laban sa Pangulo ay may implikasyon sa pambansang seguridad.

“Ang ating Presidente ay head of state, kaya anumang banta laban sa kanya ay usaping pambansang seguridad. At hindi ordinaryo ang ating Bise Presidente—siya ang hahalili kung may mangyari sa Pangulo,” aniya.

Sinabi rin ni Chua na sinusuri ng mga mambabatas ang mas malawak na konteksto, kabilang ang asal at kakayahan ni Duterte, sa pag-assess ng umano’y banta.

Binanggit niya na sa pagdinig ay may mga tanong kung sumailalim ba ang Bise Presidente sa psychological test, bilang bahagi ng pagsusuri sa posibleng history ng karahasan at kakayahan.

“Lahat ng ito ay tinitingnan—may kapasidad ba siyang gawin ito o ang kanyang pamilya ay may kakayahan?,” ani Chua.

Dagdag pa niya, hindi maaaring ipagwalang-bahala ang mga kaganapan kaugnay ng pamilya ni Duterte, kabilang ang kasalukuyang paglilitis sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra droga.

“Makikita naman natin na may history. Sa katunayan, ang kanyang ama ay nasa ICC at nililitis sa crimes against humanity. Kaya hindi ito ordinaryong banta na puwedeng balewalain,” aniya.

Tungkol naman sa pagkakakilanlan ng taong umano’y nakausap ni Duterte, sinabi ni Chua na mahalaga na ang mismong pagkakaroon ng komunikasyon.

“Sinabi ng NBI kahapon na may lead na sila kung sino, pero hindi pa nila ito ilalabas upang hindi ma-kompromiso ang operasyon. Para sa akin, hindi naman mahalaga kung ilalabas ito sa hearing,” aniya.

“Ang mahalaga ay nakita natin ang banta, may kinausap siya, at sinabi niyang ‘no joke.’ Tinitingnan din natin ang history at kapasidad. Lahat ng ito ay dapat isaalang-alang,” dagdag ni Chua.