Luistro

Mayo 4 dapat abangan kung impeachment vs VP Sara aakyat sa Senado

Mar Rodriguez May 3, 2026
35 Views

MAGKAKA-ALAMAN na sa Mayo 4 kung tuluyan ng aakyat sa Senado ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang dapat abangan ng publiko dahil magtitipon ang mga miyembro ng House Committee on Justice para aprubahan ang ang reklamo kung mayroon itong “probable cause” upang i-impeach si VP Duterte.

Kasama sa mga aaprubahan ng Committee on Justice ang kaukulang resolution at Articles of Impeachment na magbubukas ng daan para maipadala ang mga dokumentong sa plenaryo ng Kamara de Representantes para sa gagawing pagtalakay.

Ang Justice Committee, na pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Jerville “Jinky Bitrics” Luistro, ay inaasahang matatapos ang ginampanan nitong “Constitutional mandate” kaugnay sa pinagsamang ikatlo at ikaapat na impeachment complaint matapos ang unanimous vote mula sa mga miyembro ng Komite na 53-0.

“Nakumpleto na ng Komite ang tungkuling Konstitusyunal nito upang tukuyin ang ‘probable cause’ batay sa mga ebidensyang iniharap,” wika ni Luistro.

Nasa sentro ng ulat ang mga natuklasan ng Committee on Justice kaugnay sa iba’t-ibang paratang laban kay VP Duterte kabilang dito ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman at pagbabanta sa buhay nina President Bongbong R. Marcos, Jr. First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Binanggit din ng mga kongresista ang mga nakalap nilang ebidensiya sa di-umano’y ginamit sa maling paraan ni Duterte ang P612.5 milyon mula sa confidential funds kabilang ang testimonya na P125 milyon ang naipamahagi sa loob lamang ng 24 oras na taliwas sa mga naunang pahayag na ito ay naubos sa loob ng 11 araw.