Kapunan

Kapunan: Pagsama sa Senate President sa petisyon ni VP Duterte ay tila taktika para sa ‘hindi makatwirang pagkaantala’

31 Views

ANG pagsasama sa Senate President bilang respondent sa petisyon ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte na kumukuwestiyon sa impeachment proceedings ng Kamara ay maaaring isang taktika upang maantala ang paglilitis sa Senado, kahit natapos na ang mga pagdinig ng House Committee on Justice

Ito ang naging pahayag ni Atty. Lorna Kapunan sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

“Mayroon ngayong tatlong petisyon na nakabinbin sa Korte Suprema. Sa halip na magsumite ng sagot sa Committee on Justice, ang mga abogado ni VP Sara ay naghain ng petisyon sa Korte Suprema,” ani Kapunan.

“Sinasabi nila, may paglabag sa due process. Moot and academic na ‘yun, dahil tapos na ang pagdinig sa Committee on Justice,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Kapunan ang desisyon ng mga abogado ni Duterte na isama ang Senate President sa isang petisyon na pangunahing tumututok sa impeachment proceedings sa antas ng Kamara.

“Ang dapat nating tingnan, baka insurance nila ito. Isinama nila sa petisyon ang Senate President na wala namang kinalaman sa due process sa Kamara,” paliwanag ni Kapunan.

“Isinama nila bilang respondent ang Senate President, kaya nananatiling nakabinbin ang kaso,” dagdag pa niya.

Ayon kay Kapunan, ang panganib ay kahit moot na ang mga isyu laban sa House Committee on Justice, maaari pa ring gamitin ng kampo ni Duterte ang nakabinbing petisyon kapag nagpulong na ang Senado bilang impeachment court.

“Pagdating sa Senate President, baka sabihin na naman kapag nag-convene na ang korte, may nakabinbin pa ring petisyon,” paliwanag niya.

“Kahit moot and academic na ang isyu sa Committee on Justice dahil tapos na, may natitira pa ring isyu laban sa Senado dahil respondent ang Senate President,” ani Kapunan.

Sinabi ng beteranong abogado na ipinapakita ng hakbang na ito kung paano maaaring gamitin ng mga litigant ang proseso upang mapabagal ang takbo ng isang kaso.

“Alam mo, kaming mga abogado, puwedeng maging malikhain,” ani Kapunan.

“Kahit hindi dapat makalusot, sinusubukan pa ring ipalusot,” dagdag niya.

Diretsahan niyang tinukoy ang taktika bilang posibleng sanhi ng pagkaantala.

“Ang tawag diyan ay unreasonable delay,” diin ni Kapunan.

Ayon pa sa kanya, nauna nang nagpahayag ng matibay na posisyon si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na maaaring makatulong upang maiwasan ang pagkaantala kapag umabot na sa Senado ang kaso.

“Ang maganda, nauna na si Senate President Tito Sen—ang kanyang consistent na posisyon noong nakaraang taon at ngayong taon ay gagawin niya ito kaagad kinabukasan,” ani Kapunan.

Binanggit din niya na may mga usapan na tungkol sa posibleng iskedyul ng paglilitis sa Senado upang mabalanse ng mga senador ang impeachment case at iba pang gawaing lehislatibo.

“May nababalitaan na ngang MWF—Monday, Wednesday at Friday—para magawa pa nila ang iba nilang trabaho simula alas-tres,” ibinahagi ni Kapunan.

Gayunman, binigyang-diin niya na ayon sa umiiral na patakaran ng Senado sa impeachment, inaasahan ang araw-araw na paglilitis maliban na lamang kung ito ay babaguhin.

“Kung titingnan natin ang Senate rules on impeachment, maliban na lang kung papalitan o aamyendahan, nakasaad doon na araw-araw ang pagdinig,” ani Kapunan.

“Araw-araw maliban sa weekends at holidays. Kung araw-araw, sana ay matapos na ito agad dahil marami pang mahahalagang isyung dapat pagtuunan,” dagdag niya.

Natukoy na ng House Committee on Justice na may probable cause sa mga reklamong impeachment laban kay Duterte, na naghahanda sa pagbuo at pagpapasa ng ulat ng komite, resolusyon, at mga artikulo ng impeachment para sa aksyon ng plenaryo.