Calendar
VP Sara di karapat-dapat maging opisyal ng gobyerno–Atty. Kapunan
HINDI karapat-dapat maging opisyal ng gobyerno si Vice President Sara Duterte dahil sa hindi normal na ikinikilos at sinasabi nito, ayon sa abogado de campanilla na si Atty. Lorna Kapunan.
Binigyang diin ni Atty. Kapunan na hindi karapat-dapat para sa sinumang opisyal ng gobyerno na magbitiw ng malulutong na pagmumura at pagbabanta sa buhay ng Presidente, First Lady at dating mataas na pinuno ng Kamara de Representantes.
Para kay Kapunan, hindi gawain at hindi rin normal para sa isang pangalawang pinakamataas na opisyal ng gobyerno ang pagbataan ang buhay ni President Bongbong Marcos, Jr. First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Iginiit ng beteranong abogado ang panawagan nito kay VP Sara na sumailalim sa “psychiatric evaluation” para malaman ang tunay na kalagayan ng pag-iisip.
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na totoo ang mga binitiwang pagbabanta ni Duterte noong nakaraang taon.
Sinang-ayunan naman ng isang kongresista ang ipinahayag ni Kapunan na ang sinumang opisyal ng gobyerno na nagbitiw ng mga pagmumura at pagbabanta ay maituturing na “lutang”.
Subalit para sa kanya ay maituturing ang taong ito na may “tililing.”
Pagbibigay diin ng mambabatas na hindi normal partikular na para sa isang Pangalawang Pangulo ang magpakawala ng malulutong na pagmumura na sinundan pa ng banta ng pagpatay na ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng Philippine politics.
Pinayuhan din ni Kapunan ang mamamayang Pilipino na huwag lamang nilang tignan ang legal na argumento sa isinampang impeachment complaint laban kay Duterte kundi ang ugali at asal nito na hindi naaangkop para sa isang lider ng bansa.

