Rep. Marcos

2 LEDAC priority bills nakatakdang aprubahan sa plenaryo

Mar Rodriguez May 3, 2026
37 Views

NAKATAKDANG aprubahan sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang dalawang priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) para sa huling pagbasa.

Sinabi ni Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na sa pagpapatuloy ng session, sisikapin ng Kongreso na maisabatas ang mga nakamit nitong “legislative gains” bago ang adjournment nito.

Ang dalawang panukalang batas na nakatakdang aprubahan ay ang National Land Use Act at ang amyenda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act na kabilang sa mga pinaka-advanced na panukalang batas na nasa “pipeline” pa.

Ipinaliwanag pa ni Marcos na pumasok na ang Kamara de Representantes sa huling yugto ng unang regular session na mayroong malinaw na pokus sa mga panukalang malapit ng maipasa.

“Hindi na ito mga teoretikal na panukala. Dumaan na ang mga ito sa mahahalagang yugto at ang kailangan na lamang ay tuloy-tuloy na trabaho sa Plenaryo upang maipasa natin ito bago ang adjournment ng Kamara sa susunod na buwan,” wika ni Marcos.

Idinagdag ng kongresista na ang National Land Use Act ay naglalayong magbigay ng matagal ng hinihintay na balangkas para sa wastong paggamit ng lupa habang ang pag-amyenda sa 4Ps ay naglalayong palakasin at palawakin ang pangunahing programang panlipunang proteksyon ng pamahalaan.

Naipasa at naisulong na ang 18 sa 52 priority measures ng LEDAC, ayon sa kongresista.