4PH

Pagkakaroon ng sariling bahay dama ng 4PH beneficiaries

Jun I Legaspi May 3, 2026
30 Views

NAGPAHAYAG ng pag-asa ang mga prospective beneficiaries ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang inisyatiba ay nagbibigay ng bagong pag-asa tungo sa mas matatag at marangal na pamumuhay para sa mga pamilyang Pilipino.

Si Eva Quintos, 54, ay muling nakaramdam ng pag-asa para sa kanilang pamilya matapos dumalo sa Pag-IBIG Housing Fair 2026 Southern Luzon sa Calamba, Laguna, na nag-alok ng 20,000 socialized housing units.

Samantala, si Rollan John Romero, 30, na nahaharap sa demolisyon, ay nagsabing ang programa ay nagsisilbing lifeline tungo sa katatagan at dignidad.

“Malaking pag-asa… na mabigyan kami ng pagkakataon mag-apply sa mga pabahay… kami ay for demolish na… lahat naman ng tao nangangarap ng sariling bahay… kung kami mapapabigyan ng pagkakataon… malaking pagbabago ’yun,,” ani Romero.

Binigyang-diin ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling na ang pagkakaroon ng abot-kayang at disenteng pabahay ay mahalagang hakbang upang maputol ang siklo ng kahirapan.

“Ang pagkakaroon ng sariling tahanan ay hindi lamang tungkol sa tirahan. Ito ay pundasyon ng mas maayos at may dignidad na pamumuhay. Sa pag-expand natin ng 4PH, mas marami ang nagkakaroon ng pagkakataong makaahon sa kahirapan,” sabi ni Aliling.

Kabilang sa mga dumalo ang mga uniformed personnel at government workers na umaasang makakamit na rin nila ang matagal nang pangarap na sariling tahanan.

Si Lavinia Landicho, 38, ay nagsabing malaking tulong ang affordability at accessibility ng Expanded 4PH para sa mga pamilyang nagtatrabaho.

“Malaking tulong siya para sa amin… hindi din naman gano’n kalaki ’yung income namin… very affordable siya para sa mga katulad naming mga pulis… ’yung mga projects po ang lumalapit po sa amin hindi na po mahirap para sa amin para maka-avail… very helpful para sa amin,” ani Landicho.

Si Antonette Barrientos, 36-anyos na jail officer, ay nagbahagi ng kanyang pananaw: “Napakalaking tulong po niyan… magkaroon po kami ng pagkakataon na makapag-own ng sarili naming bahay na hindi naman masyadong makakaapekto sa aming budget.”

Sa kabuuan, muling pinagtibay ng DHSUD ang kanilang pangako na maghatid ng ligtas, disente at abot-kayang pabahay para sa mga pamilyang Pilipino sa ilalim ng Expanded 4PH Program ni Pangulong Marcos Jr.