Calendar
‘No show’ VP Sara bida sa pagdinig ng House committee on justice
PINANINDIGAN pa rin ni Vice President Sara Duterte ang mag-“no show” sa mahabang deliberasyon ng House Committee on Justice sa isinampang impeachment complaint laban kay Duterte, ayon sa chairperson ng House Committee on Justice.
Binigyang diin ni Rep. Gerville Luistro, ang chairperson ng committee, na isa sa mga tumatak na imahe sa pagdinig ng Justice Committee ay ang paulit-ulit na pagliban ni Duterte para sagutin ang mga mabibigat na akusasyong natuklasan ng Komite batay sa testimonya ni Ramil Madriaga.
Nagsagawa ng huling pagdinig ang Justice Committee noong Mayo 4 para tapusin ang committee report at Articles of Impeachment matapos makakita ng sapat na batayan para maipasa ang reklamo sa plenaryo ng Kamara.
“Sa gitna ng lahat ng ebidensiyang ito, sa kabila ng lahat ng diskusyon natin, may isang bagay na hindi nagbago. Ang upuan. Isang bakanteng upuan.
Sa bawat ebidensiya, walang direktang sagot sa bawat tanong. Walang paliwanag,” sabi ni Luistro.
Ipinaliwanag ng lady solon na naghihintay ang Komite na humarap si VP Sara sa ilalim ng panunumpa subalit nagpatuloy ang mga pagdinig kung saan ang tanging humarap sa mga ebidensiyang inilatag ng mga resource person ay ang kaniyang pagkawala o “no-show” sa panahon ng pagdinig.
“Naghintay tayo ng salaysay mula sa Bise Presidente sa ilalim ng panunumpa, pero ang tanging humarap sa atin ay ang katahimikan ng isang bakanteng upuan,” sabi ni Luistro.

