Luistro

SALN ni VP Sara nagdiin sa kanya sa — Luistro

Mar Rodriguez May 5, 2026
39 Views

ANG Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte ang nagdiin mismo sa kanya kaugnay sa akusasyon ng korapsyon, ayon sa chairperson ng House Committee on Justice na si Batangas Rep. Gerville Luistro.

Naging sentro ng impeachment hearing ang mismong sinumpaang SALN ni VP Duterte na nagpapakita ng mga transaksyon nito na nagkakahalaga ng bilyong-piso, sabi ng mambabatas.

Sa kabila ng pananahimik ni VP Duterte kaugnay sa mga akusasyon laban sa kanya natuklasan ng komite na mayroon silang hawak na matibay at mabigat na ebidensya laban sa Pangalawang Pangulo.

“Napagtanto natin na mayroon na pala tayong hawak na ebidensiya mula mismo kay VP Sara Duterte.

Hindi rin kailangan tumingin sa malayo. We already have a sworn statement, isang sinumpaang salaysay ang tagal na palang andito at ito ay walang iba kundi ang kanyang SALN,” wika ni Luistro.

Ang mga dokumentong nakalap ng Justice Committee ang magpapatunay sa lahat ng alegasyon laban kay Duterte kung saan ang Pangalawang Pangulo mismo ang nanumpa, pumirma at nagsumite sa Komite.

Sinuri ng Committee on Justice ang mga SALN ni Duterte kasunod ang ulat mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), mga dokumento mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Iba pang record na isinumite sa Komite.

Ikinatuwiran pa ni Luistro na hindi maaaring iwasan ng Komite ang kontradiksyon sa pagitan ng sworn statement at mga official financial records na lumutang sa pagdinig ng Justice Committee batay sa testimonya ng mga resource person.

“Ngayon, itabi natin ang SALN na iyon sa lahat ng ebidensyang ating natipon.

Doon lumabas ang tanong na hindi na natin matatakasan: Kapag ang sinumpaang dokumento ay nagsabing ‘zero cash’ pero ang official report ay nagpapakita ng bilyon-bilyon transaksyon, saan tayo maniniwala?” tanong ni Luistro.