Defensor

Defensor itinangging may perang kapalit sa impeachment ni VP Sara

30 Views

MARIING itinanggi ni House Senior Majority Leader na si Lorenz Defensor ng Iloilo na may ipinangakong dagdag na pondo ang liderato ng Kamara sa mga miyembro na boboto pabor sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte.

Ginawa niya ang pahayag na ito sa plenary session noong Lunes, kung saan na-impeach ang Bise Presidente sa pamamagitan ng malaking boto na 257 mula sa 318 miyembro ng Kamara.

“Mr. Speaker, sa ngalan ng Kamara, mariin naming itinatanggi ang mga ganitong alegasyon,” ayon kay Defensor.

Tumugon si Defensor sa tanong ni Batangas Rep. Leandro Legarda-Leviste kung totoo bang makatatanggap ng P20 milyon ang mga boboto para sa impeachment ni VP Duterte.

“Dapat patas na lahat ng boboto ay mabigyan ng P20 milyon, at sana pati ang hindi boboto ay mabigyan din, dahil pera ito ng taumbayan at hindi dapat ibinibigay base sa magiging boto sa impeachment,” sabi ni Leviste, kahit wala siyang ibinigay na pinagmulan ng impormasyon.

Muling iginiit ni Defensor na walang katotohanan ang alegasyon.

Nauna rito, tulad ni Leviste, gumawa rin si Sen. Imee Marcos ng kahalintulad na paratang nang walang ipinapakitang ebidensiya, kaya hinamon siya ni Tingog Sinirangan Party-list Rep. Jude Acidre na “maglabas ng ebidensiya o tumahimik.”

“Kung may ebidensiya si Senadora Imee, ilabas niya ang resibo. Pangalanan niya ang tumanggap, pangalanan niya ang nag-alok, at magsampa siya ng kaso. Kung wala, tigilan niya ang diversion at paninira sa buong Kamara,” ayon kay Acidre.

“Senadora siya. Dapat alam niya ang bigat ng ganitong paratang. Ang Senado at Kamara ay kapwa sangay ng Kongreso. Ang respeto sa kapwa sangay ay hindi dapat balewalain, lalo na kung wala namang matibay na patunay,” dagdag pa niya.

Noong nakaraang Martes, binatikos din si Leviste ng kanyang mga kasamahan matapos niyang akusahan ang mga ito ng vote buying sa mga nakaraang halalan.