Calendar
Ridon: Kamara tinitiyak na maayos articles of impeachment bago ipadala sa Kamara
SINABI ni impeachment prosecutor at House Committee on Public Accounts Chairperson Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list nitong Miyerkules na hindi pinatatagal ng Kongreso ang impeachment proceedings, at iginiit na tinitiyak lamang ng Kamara ang maayos na reproduksyon at beripikasyon ng articles of impeachment bago ito ipadala sa Senado.
“Ginagawa po ng Kamara sa bagay po na ito para tiyakin po na yong lahat na yong lahat ng due process requirements patungkol po sa pangalawang pangulo at sa kabuuan po ng proseso ay magampanan po nang tama at maayos ng mababang kapulungan,” ani niya sa isang pahayag.
Inilabas ni Ridon ang pahayag bilang tugon sa puna ni Sen. Imee Marcos, na inakusahan ang Kamara na pinatatagal ang impeachment trial laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte sa pamamagitan ng pagbanggit sa reproduksyon ng “voluminous documents” bilang dahilan ng pagkaantala.
Ayon kay Marcos, sapat naman ang bilang ng mga empleyado ng Kamara upang agad na makopya ang mga dokumento at maipadala ang articles of impeachment nang hindi inaabot ng ilang araw.
Nagbago ang liderato ng Senado sa parehong araw na muling na-impeach si Duterte noong Mayo 11, kung saan ang mayorya ay binubuo na karamihan ng mga senador na kaalyado ni Duterte sa pangunguna ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Bagamat kinilala ni Ridon ang mga alalahanin ni Marcos hinggil sa transmittal ng articles of impeachment, binigyang-diin niya na iba ang kasalukuyang impeachment proceedings kumpara sa unang impeachment complaint na ipinadala sa Senado sa mismong araw na unang na-impeach si Duterte noong Pebrero 5, 2025.
“Iginagalang po natin ‘yong pagtingin ni Senator Imee Marcos sa usapin po ng transmittal ng articles of impeachment pero kailangan po nating linawin na magkaiba po ang sitwasyon nung nagdaang taon dito po sa panibagong impeachment laban sa pangalawang pangulo sa ilalim po ng impeachment sa taon pong ito,” ani niya.
Ayon kay Ridon, ang kasalukuyang impeachment proceedings ay sumunod sa unang paraan ng impeachment sa ilalim ng House rules, kung saan inihain at ini-refer ang mga reklamo sa Committee on Justice. Nagsagawa umano ang komite ng mga clarificatory hearing at nangalap ng mga dokumentaryong ebidensya at testimonya ng mga testigo bago natukoy ang probable cause upang ituloy ang impeachment.
“Dumaan po ito sa House Committee on Justice kung saan saklaw po ng naging pagdinig at mga pagkalap ng mga dokumento at ebidensya. So rightfully so, mas makapal at mas mahaba po yong dokumento at ebidensyang pinaguusapan po natin,” dagdag niya.
Sinabi naman ni House Secretary Cheloy Garafil nitong Martes ng gabi na patuloy pa ring nire-reproduce ng secretariat ang mga kopya ng impeachment documents para isumite sa Senado. Ipinaliwanag niya na inaabot ng ilang araw ang proseso dahil libo-libong pahina ang bumubuo sa articles at mga kalakip na dokumento, at masusing sinusuri ang mga ito upang matiyak ang katumpakan ng isusumiteng papeles ng Kamara.
Ayon pa kay Ridon, mas maingat ngayon ang Kamara sa paghawak ng impeachment proceedings bunsod ng mga bagong alituntunin ng Korte Suprema matapos nitong ipawalang-bisa ang unang impeachment complaint.
Binigyang-diin din niya na walang probisyon sa Konstitusyon o sa House rules on impeachment proceedings na nagsasabing kailangang maipadala sa Senado ang articles of impeachment sa mismong araw ng impeachment vote.
“Panghuli, wala din naman pong nagsasabi sa batas sa Konstitusyon at sa mga rules ng impeachment ng Kongreso at Senado na kailangan pong magkaroon ng transmittal on the same day as the impeachment vote po sa Kamara,” aniya.
“So sisikapin po ng Kamara na maipadala sa pinakamaagang panahon ang articles of impeachment sa Senado nang sa ganon ay makapag-convene na po na pinakamaagang panahon din ang Senado bilang isang Senate impeachment court,” dagdag ni Ridon.
Bumoto noong Lunes ang Kamara upang muling i-impeach si Duterte, kung saan 257 mambabatas ang pabor na isulong ang kaso sa paglilitis, habang 25 ang tumutol at siyam naman ang nag-abstain.

