Vargas

Vargas isinulong dagdag teaching supplies allowance ng mga public school teachers

Mar Rodriguez Sep 20, 2022
189 Views

ISINUSULONG ngayon ng isang neophyte Metro Manila congressman ang isang panukalang batas para madagdagan at gawing “institutionalize” ang ipinagkakaloob na “teaching supplies allowance” para sa lahat ng guro sa public school kaugnay sa pagdiriwang ng National Teachers’ Month mula September 5 hanggang October 5, 2022.

Inihain ni Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas ang House Bill No. 4072 o ang “Teaching Supplies Allowance Bill” na naglalayong magkaroon ng “annual budget” na nakalaan para sa classroom supplies ng mga public school teachers.

Sinabi ni Vargas na mula sa P5,000 budget ng mga guro ay nais niyang madagdagan ang kanilang allowance para classroom supplies expenses ng karagdagang P5,000 o kabuuang P10,000 bilang annual budget na ilalaan para sa kakailanganing supplies.

Ipinaliwanag ni Vargas na sa ilalim ng School Year 2021-2022, pinagkalooban lamang aniya ang mga guro ng P5,000 cash allowance alinsunod sa itinatakda ng “Joint Circular” na nilabas ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM) batay sa ipinatutupad na guidelines.

Nakasaad sa Joint Circular na ang cash allowance ay ilalaan para sa pagbili ng teaching supplies at materials, kabilang ang annual medical examination expenses at budget para sa pagsasagawa ng iba’t-ibang paraan ng pagtuturo gaya ng internet o “Online Class”.

“We hope to alleviate the financial burden of our public school teachers to show our gratitude and recognition for their dedication and sacrifices in providing quality education to our students amid the pandemic,” sabi ni Vargas.