Trillanes

Pamamaril sa Senado ‘scenario’ lang–Trillanes

Mar Rodriguez May 14, 2026
129 Views

MAAARING “scenario” lang ang pamamaril noong Miyerkules sa Senado na pinagplanuhan ng grupo nina Senate President Alan Peter Cayetano at Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, ayon kay dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.

Tinukoy ng dating senador ang grupo nina SP Cayetano at Sen. Bato na siyang may pakana ng tensiyon sa loob ng Senado sa layuning makakuha ng simpatya mula sa mamamayang Pilipino.

Binanggit din ni Trillanes sa panayam na halatang-halata at walang kaduda-duda ang ikinasang “game plan” ng grupo nina Cayetano sapagkat wala umanong government forces o tropa ng gobyerno ang nasa loob ng Senado sa kasagsagan ng kaguluhan.

“Base duon sa mga impormasyon na nakalap natin eh’. Ito po ay isang scenario ng grupo nina Alan Cayetano at Bato dela Rosa, they are sowing chaos at para mag-gain sila ng sympathy kasi wala pong government forces sa loob ng Senado,” sabi ni Trillanes.

Nang tanungin si Trillanes kung sa palagay niya palabas lamang ang mga putukan sa Senado, sinabi niya na: “base po sa mga impormasyong dumarating ganoon na nga.”

Dahil dito, pagbibigay diin ni Trillanes na hindi malayong ito ay isang scenario para mapalakas ang kanilang posisyon sa Korte o sa publiko upang makakuha sila ng simpatya.

Gayunman, naniniwala si Trillanes na lalabas din ang katotohanan sa ikakasang imbestigasyon kaugnay sa Senate incident kagaya ng saan nagmula ang putok.