Bato1

‘Pagtakas’ ni Bato kinondena ng Akbayan, Makabayan

69 Views

KINONDENA noong Huwebes ng mga progresibong mambabatas ang kanilang inilarawang “pagtakas” ni Senador Ronald dela Rosa mula sa loob ng Senado sa gitna ng mga ulat na naglabas na umano ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa drug war ng administrasyong Duterte.

Inakusahan ni Perci Cendaña ng Akbayan Party-list ang pamunuan ng Senado na tinulungan umano si dela Rosa upang makaiwas sa mga awtoridad.

“Pati ang Senado, accessory to the crime. Pati sila, kasabwat sa krimen,” diin ni Cendaña sa isang pahayag. “Trabaho ng Senado na gumawa ng batas, hindi ang labagin ito.”

“Ang Senado mismo ang sumisira sa kanilang institusyon. Imbes na isuko nila nang mapayapa ang isang taong may Warrant of Arrest, ginamit nila ang Senado para umiwas sa pagpapatupad ng batas,” dagdag niya.

Sa isang magkasanib na pahayag, sinabi nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, at Kabataan Party-list Rep. Renee Louise Co ng Makabayan bloc na ang iniulat na insidente ay “isang napakalaking pagkakamali at matinding kawalang-katarungan sa mga biktima ng drug war.”

“Ang katotohanang ang isang taong hinahanap ng isang pandaigdigang tribunal dahil sa crimes against humanity ay nakalabas mula sa isang mahigpit na binabantayang institusyon ng gobyerno ay isang malaking kabiguan ng administrasyong Marcos Jr. at ng pamunuan ng Senado, at isang napakalaking kawalang-katarungan sa mga biktima at kanilang mga pamilya,” ayon sa mga mambabatas.

“Ito rin ay dagdag na patunay na hindi makakamit ang hustisya para sa mga biktima ng drug war sa ilalim ng kasalukuyang sistema ng hustisya,” dagdag nila.

Kinuwestiyon din ni Cendaña ang prayoridad ng pamunuan ng Senado sa gitna ng mga ulat hinggil sa ICC warrant.

“Anong klaseng Senate leadership ang unang agenda ay tulungang hindi maaresto ang isang WANTED for crimes against humanity? Ang isang international fugitive?” aniya.

“The Senate leadership should explain themselves before the widows and orphans of extrajudicial killings. They owe the Filipino people more than livestreams and excuses,” dagdag pa niya.

Ayon kay Cendaña, ipinapakita ng insidente kung bakit kailangang humarap ni dela Rosa sa paglilitis sa ICC.

“This is exactly why Bato should be tried in the ICC. Walang hustisya sa bansang ito para sa mga biktima ng Tokhang,” aniya.

Sinabi naman ng Makabayan bloc na ang iniulat na pag-alis ni dela Rosa mula sa Senado ay “hindi lamang simpleng procedural lapse” kundi “isang pambansang kahihiyan at malinaw na pagpapakita kung paano umiiral ang impunity kapag makapangyarihan at maraming koneksyon ang akusado.”

“Habang nagtatago ang dapat managot, patuloy na dinadala ng mga pamilya ng biktima ang bigat ng pagpaslang at kawalan ng hustisya,” ayon sa pahayag.

Nanawagan din ang Makabayan bloc sa mga opisyal ng Senado at security personnel na magpaliwanag, at sinabing may karapatan ang publiko na malaman kung paano umano nakalabas si dela Rosa sa kabila ng mga ulat hinggil sa ICC warrant.

“Dapat agad magpaliwanag ang pamunuan ng Senado at mga security officials kung paano nakaalis si dela Rosa at kung sino ang tumulong, nagbigay-daan, o nag-utos ng mga pagkukulang sa seguridad,” ayon sa mga mambabatas.

Nagtaas din sila ng mga katanungan hinggil sa iniulat na insidente ng pamamaril na umano’y kasabay ng mga kaganapan kaugnay ng ICC warrant.

“Ang iniulat na insidente ng pamamaril na kasabay ng mga pangyayari kaugnay ng warrant ay nagdudulot ng seryosong katanungan kung ito ba ay isinadya o ginamit bilang diversion upang pagtakpan ang isang pagtakas,” ayon sa pahayag.

“Dapat linawin ng Senado at ng PNP kung ginamit ang insidenteng ito bilang panakip-butas. Kailangang may managot sa anumang sabwatan at kapabayaan,” dagdag nito.

Hinimok ng mga mambabatas ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na arestuhin si dela Rosa at tiyaking haharap ito sa mga pagdinig ng ICC sa The Hague.

“Dapat gamitin ang buong kakayahan at yaman ng estado upang siya ay matagpuan, madakip, at mapanagot,” anila.

“Tungkulin ng gobyerno na itaguyod ang pananagutan, hindi ang payagan ang pagtakas o magbigay ng palihim na proteksyon sa matataas na opisyal na inaakusahan ng mabibigat na krimen.

Hindi dapat maging kanlungan ng mga pinaghihinalaang kriminal ang Senado,” dagdag pa nila.

Sinabi rin ng Makabayan bloc na inilantad ng insidente ang “bulok na sistemang pulitikal kung saan ang pananagutan ay bihag ng alyansa ng mga elitista, patronage networks, at factional bargaining.”

“Kung walang tuloy-tuloy na presyur mula sa publiko, ang katotohanan at hustisya ay palaging maaantala, maikakaila, o masasabotahe,” ayon sa mga mambabatas.