Pic Source: DOTr

Lopez pinamamadali konstruksyon ng NSCR Angeles Station

Jun I Legaspi May 20, 2026
29 Views

Pic1Pic2Pic3Pic4Pic5Pic6

Pic7
Source: DOTr

PINAMAMADALI na ni Transportation Secretary Banoy Lopez ang konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) Angeles Station para agad ng mapakinabangan ng mga komyuter.

Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilisan ang konstruksyon ng mga big-ticket transport projects na magbibigay-benepisyo sa mga komyuter upang mapabilis ang kanilang oras ng biyahe.

Sinabi ni Secretary Lopez na sa kasalukuyan nasa 90% na ang right-of-way (ROW) acquisition ng buong NSCR alignment sa Angeles City.

Dagdag ng Kalihim, makikipagtulungan ang DOTr sa lokal na pamahalaan ng Angeles City upang lalong mapabilis ang pag-resolba sa mga isyu ng ROW.

“90% na po ang ating right-of-way. So, at least makikita niyo po ngayon na umuusad ang ating proyekto dito. Kaya nga kinakausap ko sila, ang Italthai kanina, ang contractor natin, na we need this by 2028. That’s the agreement,” ayon kay Secretary Lopez.

Kasamang nag-inspeksyon ng transport chief sina Pampanga 1st District Rep. Carmelo Lazatin, Transportation Senior Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor, Assistant Secretary for Right of Way Acquisition for Rail and Road IC Calaguas at Assistant Secretary for Railways Eduardo Danilo Macabulos.

Para kay Rep. Lazatin, oras na matapos ang proyekto at maging operational ito, tiyak na malaking tulong para sa mga komyuter at magandang oportunidad din ang maibibigay ng NSCR sa kanilang lugar tulad ng pag-usbong ng mga negosyo, turismo at investments.

“Ito po ay malaking tulong po para sa siyudad natin, lalong lalo na kung aabot sa Clark, dahil sa airport po yan. At malaking tulong ito na maibibigay sa siyudad ng Angeles, hindi lang po sa siyudad ng Angeles, kundi po sa distrito, sa probinsya dahil kapag bumibiyahe po sila sa Maynila, yun pong traffic eh mababawasan,” ayon kay Cong. Lazatin.

Target simulan ang partial operation ng NSCR mula sa Valenzuela City hanggang Malolos, Bulacan segment sa December 2027. Habang target naman maging operational ang Malolos hanggang Clark segment sa October 2028.

Oras na matapos ang konstruksyon ng 147-km NSCR System, mapaiikli nito ang apar na oras na biyahe mula Clark, Pampanga patungong Calamba, Laguna ng dalawang oras na lamang.