Calendar
PH Nat’l Barebow Archery Team binigyan-pugay sa Senado sa pag-uwi ng ginto
PINAGTIBAY ng Senado ang isang resolusyon na nagbibigay-parangal sa Philippine National Barebow Archery Team matapos itong makapag-uwi ng isang gold medal at dalawang bronze medals sa debut nito sa Asia Barebow Championships 2026 sa Shah Alam, Malaysia.
Isinponsor ni Senator Robinhood Padilla ang Senate Resolution No. 394 upang batiin ang koponan sa ipinakita nitong husay sa regional competition, kung saan nakalaban ng mga Pilipinong mamamana ang mahigit 700 kalahok mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Padilla, nagbigay ng karangalan sa bansa ang koponan matapos makuha ng women’s team ang gold medal, habang nakasungkit naman ng bronze medals ang men’s team at mixed team.
Sina Rowena Galicano, Josephine Galicano at Ma. Razel Rechilda Abella ang nanalo ng gold medal sa women’s competition matapos talunin ang host nation na Malaysia.
Sina Elizer Junior Villarosa, Joseph Tan at Kenneth Marlowe Tan naman ang nanalo ng bronze medal sa men’s competition, habang sina Villarosa at Josephine Galicano ay nagdagdag pa ng bronze sa mixed team event.
Sinabi ng Senado na ang tagumpay ay isang malakas na pagpapakita ng kakayahan ng Pilipinas sa barebow archery, isang disiplina kung saan gumagamit ang mga atleta ng pana nang walang modern sighting devices o stabilizers na karaniwang ginagamit sa ibang archery categories.
Kinilala ng resolusyon ang mga atleta, coaches at opisyal na kumatawan sa bansa, at sinabing ipinakita ng kanilang performance ang disiplina, pokus at dedikasyon sa international competition.
Sinabi ni Padilla na dapat magsilbing inspirasyon ang medal finish ng koponan upang palakasin pa ang suporta sa Filipino athletes sa iba’t ibang sports, kabilang ang mga sports na hindi karaniwang nabibigyan ng malaking pansin.
“May they serve as inspiration to every Filipino to dream big, work hard, and with all their heart, fight for our flag wherever they are in the world,” sabi ni Padilla.
Binigyang pansin ng Senate commendation ang lumalaking potensyal ng Filipino athletes sa precision sports at ang pangangailangang ipagpatuloy ang suporta sa national teams na lumalaban sa ibang bansa.

