Calendar
Sotto suportado funding para Doktor Para sa Bayan Scholars
IKINATUWA ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang P186-million funding para sa Doktor Para sa Bayan scholars sa ilalim ng 2026 national budget, na makatutulong aniya sa mga nagnanais maging doktor na matapos ang kanilang pag-aaral at mapalakas ang health workforce sa mga lugar na kulang sa medical professionals.
Ang pondo sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act ay susuporta sa medical students na nag-aaral sa state-run medical schools sa buong bansa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Doktor Para sa Bayan Act, na pangunahing inakda ni Sotto.
“I take this very positively and support this completely, as many medical students want to finish their education but lack the financial capability to do so,” sabi ni Sotto.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 25 state universities and colleges sa bansa ang nag-aalok ng Doctor of Medicine programs.
Ayon kay Sotto, uunahin sa mas mataas na alokasyon sa 2026 budget ang mga estudyanteng malapit nang matapos ang kanilang medical studies.
“The budget this year has been increased for medical students under the 2026 General Appropriations Law, with prioritization for those who are almost complete with their studies,” sabi niya.
Nauna nang ninais ni Sotto na kayang tumanggap ang programa ng humigit-kumulang 40 medical scholars sa bawat state university or college.
Sa dagdag na pondo, inaasahang makatutulong ang programa sa 648 bagong scholars sa buong bansa.
Sinabi ni Sotto na kailangan ang programa hindi lamang upang tulungan ang medical students na may problema sa gastusin, kundi upang tugunan din ang kakulangan ng mga doktor at iba pang health professionals, lalo na sa mga lugar na malayo sa malalaking urban centers.
“Kailangang-kailangan talaga ito dahil sa kakulangan ng mga doktor, nars, at medical practitioners sa bansa, lalung-lalo na sa mga malalayo o karatig-probinsya,” ani Sotto.
Layon ng Doktor Para sa Bayan program na palawakin ang access sa medical education para sa mga estudyanteng nais maging doktor ngunit kapos sa kakayahang pinansyal upang matapos ang kanilang pag-aaral.

