Sen. Pia

Sen. Pia susuriin mga prayoridad ng Blue Ribbon Committee

34 Views

SINABI ni Senadora Pia S. Cayetano na susuriin niya ang mga usaping naisangguni sa Senate Blue Ribbon Committee matapos siyang muling italaga bilang chairperson ng panel.

Pinasalamatan ni Cayetano ang liderato ng Senado sa tiwalang ibinigay sa kanya at sinabing seryoso niyang haharapin ang tungkulin.

“I thank the Senate leadership for the trust and confidence placed in me in once again designating me as the Chairperson of the Blue Ribbon Committee. I do not take this lightly,” pahayag ni Cayetano.

Ang Blue Ribbon Committee, na pormal na tinatawag na Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, ang humahawak sa mga imbestigasyon kaugnay ng pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan at posibleng iregularidad sa gobyerno.

Sinabi ni Cayetano na sisimulan niyang suriin ang mga usaping naisangguni na sa komite, batay na rin sa kanyang karanasan bilang abogado, dating chairperson ng Blue Ribbon Committee, at isa sa mga senior member ng Senado.

“As a lawyer, a former Chairperson of the Blue Ribbon Committee, and one of the most senior members of the Senate, I will begin reviewing the matters referred to the Committee,” sabi niya.

Ayon kay Cayetano, tutukuyin ng komite ang mga prayoridad nito sa gitna ng mga isyung kinahaharap ng bansa, kabilang ang energy crisis, paghihirap ng mga pamilya na pagkasyahin ang kita, at pagtaas ng gastos sa negosyo.

“Given the many ongoing issues affecting our country and our people, including the ongoing energy crisis, households struggling to make ends meet, and the rising cost of doing business, I will determine what matters will be prioritized by the Blue Ribbon Committee,” pahayag niya.

Sinabi ni Cayetano na magbibigay siya ng update sa takdang panahon.

Ang pagtatalaga kay Cayetano ay kasabay ng nagpapatuloy na reorganisasyon ng Senado kasunod ng pagbabago sa liderato nitong buwan.