Cayetano

Sen. Pia naka-move on na sa ‘Kumusta ka?’ issue

180 Views

SINABI ni Senadora Pia Cayetano na nalampasan na niya ang isyu ng “kamusta ka” matapos ang insidente noong Mayo 13 sa Senado, at ginamit ang nag-trending na parirala bilang paalala sa publiko na kumustahin ang mga mahal sa buhay at kilalanin ang takot, lungkot at iba pang emosyon.

Sa isang Facebook Live video, sinabi ni Cayetano na nag-trending ang “kamusta ka” matapos niyang mabanggit na naramdaman niyang walang nangamusta sa mga senador, staff, empleyado at miyembro ng media na nasa loob ng Senado nang makarinig ng putukan.

“Ba’t ba na-trending ’tong kamusta ka? Kasi po, nung nandun ako sa Senate, nabanggit ko na wala nang nangamusta sa amin nung nagputukan na at feeling namin may barilan na magaganap all over us,” sabi ni Cayetano.

“And that’s not just me, but also our staff, the Senate employees, media,” dagdag niya.

Ayon kay Cayetano, nangyari ang insidente bandang alas-8 ng gabi at bandang 9:45 p.m. o 9:50 p.m. ay na-clear na ang lugar at nagsimula na silang kumalma.

Sinabi niya na tinanong niya kung alam ng kanilang mga kasamahan ang nangyari at kung may nagpadala ng mensahe sa group chat ng mga senador.

Ayon kay Cayetano, nag-post kalaunan si Senadora Camille Villar sa group chat para sabihing okay sila.

Sinabi ni Cayetano na may ilang kasamahan ang lumapit sa kanya matapos ang kanyang talumpati at nagpahayag ng pag-aalala, bagay na kanyang pinahalagahan.

“I really appreciated you guys who approached me, you know, nag-show kayo ng concerns sa akin, at sinabi naman na nag-alala kayo sa akin,” sabi ni Cayetano.

Sinabi ng senadora na ayaw na niyang magdala ng sama ng loob dahil sa nangyari.

“Wala na sa akin, wala akong mapapala na ikasama ng loob ko,” sabi ni Cayetano.

Ayon sa kanya, maituturing nang ayos ang usapin sa mga kasamahang lumapit at nakipag-usap sa kanya.

“Marami sa kanilang lumapit sa akin, okay na, okay na kami. Ganoon talaga yun. So, move on na. So much work to do,” sabi niya.

Sinabi ni Cayetano na walang masama kung makaramdam ang isang tao ng takot, sama ng loob o pagiging overwhelmed matapos ang mahihirap na sandali.

“There is nothing wrong experiencing different emotions. We’re human beings. Hindi ka na tao kung hindi ka nakakaramdam,” sabi niya.

“You’ve seen me express my feelings as somebody who was scared, who was, what was the English? Masama ang loob. I felt bad because I’m human,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na mas mahalaga kung paano bumabangon ang isang tao matapos ang mahihirap na sandali.

Ayon sa kanya, itinuro sa kanya ng pagiging atleta na dapat tanggapin ang sakit o pagkadismaya, ngunit hindi dapat hayaang ito ang magtakda kung sino ang isang tao.

“It’s not about… It’s how you moved on after. So, masama ang loob mo, how do you move on? So, yun ang importante,” sabi ni Cayetano.

Hinimok niya ang publiko na gamitin sa positibong paraan ang nag-trending na “kamusta ka” sa pamamagitan ng pagkumusta sa pamilya, kaibigan at iba pang taong may pinagdaraanan.

“If you have loved ones na may pinagdadaanan, pwedeng pag kamusta yun ngayon, okay yun. Then pwedeng the next day, hindi. So, kung mahal mo yung taong yun, just be there for that person,” sabi ni Cayetano.

Sinabi niya na hindi kailangang laging personal na nariyan ang isang tao para ipakita ang malasakit, dahil maraming paraan para makipag-ugnayan at iparamdam ang suporta.

“Gamitin natin sa maganda itong trending na kamusta ka. Let’s make it positive,” sabi ni Cayetano.