Lacson

Lacson: Senado dapat manatiling modelo sa budget transparency

99 Views

HINIMOK ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang kasalukuyang liderato ng Senado na ipagpatuloy ang mga hakbang para sa transparency sa national budget process habang naghahanda ang Kongreso na talakayin ang panukalang 2027 national budget.

Ginawa ni Lacson ang panawagan habang inaasahang isusumite ng Executive Department sa Kongreso ang National Expenditure Program matapos ang State of the Nation Address ng Pangulo sa Hulyo.

“Sa panahon ni Sen. Sherwin Gatchalian at saka ni Tito Sen. Sotto as finance chairman and Senate President, papunta na kami doon. And I hope sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Alan Peter Cayetano, ma-sustain ang ganoon,” sabi ni Lacson sa panayam sa radyo.

Sinabi ni Lacson na dapat maging halimbawa ang Senado sa paghawak sa pambansang badyet, lalo na sa pagtitiyak na maayos at transparent ang proseso.

“Kami na maging halimbawa na parang pagdating sa pagitan ng dalawang houses, kami na yung parang pinaka-Big Brother na tinitingala nila para sa pagbalangkas man lang ng national budget, maayos,” sabi niya.

Binanggit ni Lacson ang naging trabaho ni Gatchalian bilang chairman ng Senate finance committee sa pagbuo ng 2026 General Appropriations Act.

Ayon kay Lacson, itinulak ni Gatchalian ang institutional safeguards at transparency measures sa budget bill, kabilang ang mga hakbang upang matukoy ang mga nagsusulong ng insertions at amendments.

Sa ilalim ng pamumuno ni Gatchalian, naglathala rin online ang Senate finance committee ng ilang dokumentong may kaugnayan sa budget process.

Dumating ang pahayag ni Lacson habang patuloy na sinusuportahan niya at ng 11-miyembrong Senate minority bloc si Gatchalian bilang posibleng Senate President, bilang bahagi umano ng mga hakbang upang maibalik ang integridad ng Senado matapos ang mga nagdaang kontrobersiya.

Sinabi ni Lacson na dapat ipagpatuloy ng kasalukuyang liderato ang mga hakbang para sa transparency sa budget process.

“Sana ma-sustain ang transparency sa budget kasi pagdating ng SONA sa July 26, nandiyan na naman ang National Expenditure Program at tatalakayan na ng Kongreso,” sabi ni Lacson.

Ayon kay Lacson, makatutulong ang pagpapatuloy ng mga hakbang upang maging mas malinaw ang budget process habang sinusuri ng mga mambabatas ang prayoridad sa paggastos ng pamahalaan para sa susunod na taon.