Tulfo

Mga senador ng minority nag-walk out matapos banggaan sa mosyon ni Marcoleta na remote voting

272 Views

NAG-WALK OUT ang mga minority senator matapos ang mainit na banggaan sa plenaryo kaugnay ng panukala ni Senador Rodante Marcoleta na amyendahan ang Senate rules upang payagan ang remote o electronic proceedings.

Ilan sa mga senador ang nagreklamo ng “ad hominem,” “railroading,” at umano’y paglimita sa kanilang karapatang makapagsalita.

Sumiklab ang pagtatalo matapos igiit ni Senate President Alan Peter Cayetano ang paghahati ng boto habang kinukuwestiyon pa ng minority senators kung bakit hindi muna lubusang tinalakay sa Committee on Rules ang panukala, na ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson ay karaniwang ruta sa mga nakaraang proseso.

Umiikot ang kontrobersiya sa mosyon ni Marcoleta na amyendahan ang Rule 14, Section 41 ng Senate rules upang payagan ang proceedings o paglahok sa pamamagitan ng remote o electronic means gamit ang angkop na information and communication technology.

Sinabi ni Acting Majority Leader Joel Villanueva na ang panukala ay tinatalakay sa ilalim ng Section 136 ng Senate rules, na nagpapahintulot sa pag-amyenda ng rules sa pamamagitan ng mosyon kung naipresenta ito nang hindi bababa sa isang araw bago talakayin at kung aprubado ng mayorya ng mga senador na naroroon.

Sinabi ni Villanueva na na-refer na ang usapin sa Committee on Rules ngunit ibinabalik ito sa plenaryo para aksiyunan ng kapulungan.

Agad itong kinuwestiyon ni Lacson, na nagtanong kung nabuo na ba ang Committee on Rules at kung maaari bang aksiyunan ng Senado ang isang bagay na na-refer na sa komite nang walang deliberasyon o committee report.

“Madam President, does it mean that we are now disregarding the committees of the Senate?,” tanong ni Lacson, habang iginigiit na hindi pa nabubuo ang Committee on Rules.

“No deliberation of the Committee on Rules?” dagdag na tanong ni Lacson.

Sinabi naman ni Cayetano na may opsyon ang plenaryo na talakayin ang usapin dahil, ayon sa kanya, ibinigay na ito ng komite pabalik sa floor.

“We had the option to take it up and the committee gave it up to plenary,” sabi ni Cayetano.

Ayon kay Cayetano, maaaring talakayin ng plenaryo ang panukala dahil ang Section 136 ang partikular na probisyon para sa pag-amyenda ng Senate rules.

“So you do not need the endorsement nor the forwarding of the Committee on Rules for the amendments of the rules,” sabi ni Cayetano. “So the only requirement is that it is put on the floor at least one day before the proposal is made and that a majority of the Senators present will vote for its approval.”

Nilinaw ni Cayetano na hindi pa ang mismong merito ng amyenda ang pinag-uusapan kundi kung nasa ayos ba ang pagtalakay nito sa plenaryo.

“Ang pinagbobotohan natin ngayon kung pwedeng i-take up sa floor o hindi,” sabi ni Cayetano.

Tumutol si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III at sinabing hindi pa nabubuo ang Committee on Rules.

“We did not constitute the Committee on Rules so what are we discussing right now? I suggest that we constitute the Committee on Rules and discuss it there,” sabi ni Sotto.

Sinabi rin ni Sotto na dapat ay bahagi siya ng Committee on Rules at dapat siyang bigyan ng pagkakataong magsalita.

Kinuwestiyon din ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang hakbang at iginiit na bagong mosyon ang tinatalakay kaya dapat itong sumunod sa one-day requirement bago isalang sa konsiderasyon.

“This is a new motion that is being presented on the floor which requires that it be presented one day before it is considered,” sabi ni Pangilinan.

Sinabi ni Pangilinan na dapat munang makapagtanong ang mga senador kung bakit kailangang amyendahan ang rules at kung sino ang makikinabang sa panukala.

“Is this rule, Mr. President, for Senator Bato, who is not here? We would like to raise these valid questions, Mr. President, before we go into a vote,” sabi ni Pangilinan, na tumutukoy kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Pinayagan ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, na siyang namumuno sa sesyon, si Pangilinan na magpahayag matapos ibigay ni Lacson ang floor.

Ipinagtanggol ni Marcoleta ang panukala at sinabing ang Section 136 ay special provision sa pag-amyenda ng Senate rules at dapat manaig sa Section 24, na inilarawan niyang general provision.

“Yung Section 24 po, this is a general rule,” sabi ni Marcoleta. “Section 136, second paragraph, is a special provision. Sa principle po ng batas, yun pong special provision takes precedence over a general provision.”

Tinanggihan din ni Marcoleta ang pahayag na bagong mosyon ang panukala at sinabing naihain na niya ito noong May 11.

“Hindi po bagong motion ito. Hindi siya bagong motion. Nasasabi ko lang po, May 11 minug ko na po ito,” sabi ni Marcoleta.

Sinuportahan ni Senadora Risa Hontiveros ang procedural objection ni Pangilinan at sinabing ang tekstong ipinamahagi sa mga senador noong hapong iyon ay tila bagong mosyon dahil ang naunang panukala ay na-refer na sa Committee on Rules.

“Bagong motion ito Madam President,” sabi ni Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na kung ibabalik sa plenaryo ang naunang mosyon, ang Committee on Rules dapat ang gumawa nito. Dagdag niya, hindi pa nabubuo ang komite at wala pa itong minority contingent.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Senador Erwin Tulfo at sinabing hindi niya maintindihan kung bakit nagmamadali ang mayorya na hatiin ang kapulungan at talakayin ang usapin nang walang sapat na konsultasyon at deliberasyon sa mga senador.

Tinawag din ni Tulfo na “ad hominem” ang sinabi ni Marcoleta na, “Mahirap pag hindi nakakaalam sa mga batas.”

Agad namang sumagot si Tulfo: “Ad hominem, ad hominem. Hindi po tama yun na ang mga kasama niya ay walang alam sa batas.”

Nauwi sa walkout ng ilang minority senators ang banggaan sa plenaryo.

Kabilang sa mga nag-walkout sina Hontiveros, Senador Sherwin Gatchalian, Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri, Pangilinan, Tulfo, Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, at Lacson.

Nanatili naman si Sotto sa session hall at ininvoke ang karapatang mag-adjourn hanggang Lunes, bagama’t iginiit pa rin ni Marcoleta ang pangangailangang bumoto sa usapin, na pinayagan nina Cayetano at Legarda.

Ipinakita ng palitan ang procedural dispute sa loob ng kapulungan kung paano maaaring amyendahan ng Senado ang sarili nitong rules, ano ang papel ng mga komite, at hanggang saan ang kapangyarihan ng plenaryo sa mga usaping na-refer na sa komite.

Nasa gitna ng pagtatalo ang dalawang magkaibang posisyon: ang panig ng mayorya na maaaring talakayin ng plenaryo ang rules amendment sa ilalim ng Section 136, at ang pagtutol ng minority na hindi dapat ibalik o aksiyunan ang isang usaping na-refer na sa Committee on Rules kung wala pang maayos na pagkakabuo ng komite, deliberasyon, o committee report.