Chiz1

Escudero: Hindi maaaring manatiling naparalisa ang Senado dahil sa pagkakahati ng mga paksyon

39 Views

SINABI ni Senador Francis “Chiz” Escudero nitong Miyerkules na hindi maaaring manatiling naparalisa ang Senado dahil sa pagkakahati ng mga paksyon, matapos niyang ilarawan ang kasalukuyang impasse sa kapulungan bilang “untenable and unacceptable.”

“When political divisions become too extreme and obstruct our mandate, we must all have the courage to pause, gain perspective, reflect, consider and realize that we should put the Senate, as the institution that we serve, above ourselves,” pahayag ni Escudero.

Inilabas ni Escudero ang pahayag habang nahaharap ang Senado sa politikal na gusot na nakaantala sa trabaho sa plenaryo.

“This is not a political contest. I am not taking sides. I am taking a stand for the Senate,” sabi ni Escudero. “My allegiance is not to any faction, personality, group or alliance. This is not about loyalty, betrayal, or choosing one group over the other—this is about duty.”

Binigyang-diin din ni Escudero na hindi dapat ituring ang kaniyang pasya bilang pagsama o pag-iwan sa alinmang grupo.

“Hindi ito usaping pampulitika. Wala akong sinasamahan o iniiwanang grupo, pangkat o paksyon,” sabi niya.

Sinabi ng senador na hindi niya tinutukoy kung sino ang tama o mali sa gusot, ngunit iginiit niyang hindi na maaaring manatili ang Senado sa ganitong kalagayan dahil apektado na ang kakayahan nitong gampanan ang tungkulin sa taumbayan.

“Hindi ko sinasabi na may mali o tama o may nagkulang o nagmalabis kaninuman. Ngunit hindi pwedeng manatili tayo sa ganitong sitwasyon,” pahayag ni Escudero. “Ang naaapektuhan na ay ang mismong kakayahan ng Senado na gampanan ang kaniyang tungkulin sa bayan.”

Humingi rin si Escudero ng pang-unawa at panalangin mula sa publiko habang sinusubukang lagpasan ng Senado ang krisis sa kapulungan.

“Ito ang rason at dahilan ng aking pasya ngayong araw na ito,” sinabi niya. “Hinihiling ko ang inyong pag-unawa sa amin, kasabay ng inyong panalangin para sa inyong Senado na malampasan ang hamon na ito at patuloy na magampanan namin ang aming tungkulin sa inyo at sa sambayanan.”