Calendar
Marcoleta inulan ng bira, humingi ng paumanhin sa media
HUMINGI ng paumanhin si Senador Rodante Marcoleta sa mga miyembro ng media matapos umani ng batikos ang kanyang pahayag na tumutukoy sa ilang mamamahayag na nagko-cover sa Senado bilang “bayaran.”
Nagpahayag si Marcoleta ng pagsisisi sa kanyang sinabi at nilinaw na wala siyang intensiyong makasakit o manira sa mga miyembro ng press na nagko-cover sa mga pagdinig.
Ginawa ni Marcoleta ang paghingi ng paumanhin matapos manawagan ang ilang grupo ng media at ang Presidential Task Force on Media Security na patunayan niya ang kanyang alegasyon o bawiin ang pahayag at humingi ng paumanhin.
Ikinabahala ng mga mamamahayag ang naturang pahayag dahil ang malawakang paratang laban sa press ay maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa lehitimong gawain ng media at maglagay sa panganib sa mga mamamahayag.
Naganap ang paghingi ng paumanhin ni Marcoleta habang nahaharap ang Senado sa bangayan sa Blue Ribbon Committee, kung saan parehong iginigiit ng kanyang grupo at ng Gatchalian-Tulfo bloc ang awtoridad na magsagawa ng pagdinig kaugnay ng umano’y iregularidad sa flood control projects.
Nagdagdag ang insidente sa tensiyon sa Senado habang patuloy na iginigiit ng magkaribal na grupo ang kani-kanilang awtoridad sa pamunuan at mga komite ng kapulungan.

