Barbers

Filipino-Chinese anti-crime group na pro-POGO ban pinuri

Mar Rodriguez Sep 27, 2022
151 Views

PINAPURIHAN ngayon ng isang Mindanao congressman ang naging paninindigan ng Filipino-Chinese anti-crime group na nagpahayag ng kanilang solidong suporta sa planong pag-ban sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Sinabi ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace S. Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang mga miyembro ng Filipino-Chinese community na rin mismo ang nakakaramdam sa masamang epekto ng pananatili ng POGO sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Barbers na ito’y sa pamamagitan ng tinatawag na “shortfall” sa tax revenue o malaking kabawasan sa nakukuhang buwis ng pamahalaan dahil sa pananatili ng operasyon ng POGO na nagdudulot lamang ng epekto sa ekonomiya ng bansa.

Muling iginiit ni Barbers na matagal na nitong ipinaglalaban ang pagpapatigil sa POGO at pagpapalayas sa mga Intsik na nasa likod ng operasyon nito na pinagmumulan lamang ng prostitusyon, human trafficking, graft and corruption at illegal drugs.

Minaliit naman ng mambabatas ang naging pahayag at ipinagmamalaki ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na malaking tax revenue o tinatayang P37 bilyon ang nakukuhang pakinabang ng pamahalaan mula sa POGO.

Sinabi ni Barbers na taliwas sa pahayag at ipinagmamalaki ng PAGCOR, bumaba pa nga aniya ng 46% mula sa P7.1 bilyon noong 2020 hanggang sa bumaba na ito ng P3.19 ang nakolektang tax ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa operasyon ng POGO.