VP Sara kailangan humarap sa impeachment trial–kongresista

Mar Rodriguez Jun 8, 2026
33 Views

IGINIGIIT ni House prosecutor at Akbayan Party List Rep. Chel Diokno na kailangang personal na humarap si Vice President Sara Duterte sa nakatakdang impeachment trial sa Senado upang maghain ng kanyang plea dahil bahagi ito ng proceedings na itinatakda sa ilalim ng Senate Rules on Impeachment Trials.

Hindi lamang dapat magsumite ng sagot ang nasasakdal sa mga artikulo ng impeachment kundi kailangan ding humarap sa impeachment court upang pormal na maitala ang kanyang plea.

Kung tatanggi si Duterte na humarap, ang impeachment court umano ang magpapasok ng plea na “not guilty” para sa kanya.

“Kung titingnan po natin ‘yung rules of the Senate as an impeachment court, malinaw na nakalagay doon na aside from ‘yung utos na sagutin ni vice president ‘yung articles of impeachment, dapat din magkaroon ng isang hearing na haharap ng bise presidente sa impeachment court at doon malalaman kung ano ‘yung magiging plea niya kung halimbawa ayaw niyang pumunta then the automatic under the rules that will be considered as a plea of not guilty,” sabi ni Diokno.

Idinagdag pa ni Diokno na kung pipiliin ng Pangalawang Pangulo na maghain ng plea na “guilty” o may sala sa oras ng pagdinig, pinapahintulutan din ng mga tuntunin ang opsyong iyon sa yugtong ito.

Inaasahan ni Diokno na isasagawa ang ganitong proseso bago ang pormal na pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6, ayon sa itinakda ng mga panuntunan sa impeachment.

Nangangahulugan ito na ang Senate impeachment court ay dapat magpalabas ng writ of summons para sa pagharap ni Duterte.

Nang tanungin kung ang sigalot sa Senado ay nagbibigay ng bentahe para sa defense team ni Duterte, sinabi ni House impeachment trial spokesperson Rep. Renee Co na ang mga ganitong isyung pampolitika ay hindi dapat tingnan bilang bentahe ng magkabilang panig.

“I think ang further delay ay disadvantage din to the defense dahil gusto natin ‘yung mga ebidensya at sagot ni VP ng defense doon sa articles of impeachment na nanggaling sa citizens’ complaints ‘no at duly na process ng House Committee on Justice ay ma-dispense with na,” ayon kay Co.