Bucoy

Bucoy: Pahayag ng mga ex-bodyguard ni Co tungkol kay Romualdez di kapani-paniwala

27 Views

AYON sa isang abogado para sa karapatang pantao at pampublikong interes, hindi kapani-paniwala ang alegasyon ng mga dating bodyguard ng nagbitiw na Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na naghatid sila ng mahigit P805 bilyon na pondo para sa flood control kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Antonio Zoleta Bucoy na hindi pumapasa sa pagsusuri ng pagiging makatotohanan o posibilidad na mangyari ang kuwento ng mga dating sundalo.

Ipinaliwanag niya na ang P805 bilyon ay may tinatayang bigat na humigit-kumulang 800 metriko tonelada, kaya mangangailangan ito ng cargo truck, crane, o backhoe upang maihatid, at hindi simpleng mga van lamang gaya ng sinasabi ng mga dating tauhan ni Co.

“Imposible ‘yung sinasabi nila. Unang-unang butas ho dyan, ang sinabi nila nag-deliver sila kay dating SP Romualdez ng P805 billion. Yung P805 billion, ayon sa nakaalam at sa mga eksperto, yan ay equivalent ng 800 metric tons,” ani Bucoy.

“Paano mo itat-ransport ang 800 metric tons? Kailangan mo diyan crane o kailangan mo diyan backhoe para maikarga mo yan. At hindi pwede sa mga simpleng sasakyan lang. Kinailangan mo diyan cargo truck para maikarga mo yan,” dagdag niya.

Itinuro rin ni Bucoy ang isa pang umano’y butas sa salaysay ng mga dating guwardiya ni Co, na tinaguriang ngayon bilang “Maleta Boys,” na nagsasabing inihatid nila ang pera sa bahay ni Romualdez sa McKinley Road sa Forbes Park, Makati.

Ayon sa kanya, noong panahong sinasabing naganap ang paghahatid, ang naturang bahay ay nasa ilalim ng konstruksyon o pagsasaayos matapos itong masunog noon.

Aniya, may humigit-kumulang 100 hanggang 150 manggagawa sa lugar noong mga panahong iyon at wala umanong katiwala o mayordoma sa bahay.

“Tapos sinabi nila, hindi rin kapani-paniwala, nagdeliver sa bahay daw ni Speaker Romualdez sa McKinley Road na sinabi naman eh under construction dahil natupok yan dati. Kaya yung period na sinabi nila na-deliver sila, imposible na may mayordoma yan… dahil there were like 100 or 150 workers na nagtatrabaho dahil nga sa reconstruction ng bahay,” aniya.

Binanggit din niya na sinabi ng mga dating sundalo na may isa pa silang paghahatid sa isang bahay sa South Forbes, ngunit ayon kay Romualdez ay wala naman itong pag-aari roon.

“Pangalawa, nagdeliver daw sa bahay sa South Forbes, eh ayon naman kay Speaker wala siyang bahay dun, so kaninong bahay nila dineliver?” tanong ni Bucoy.

Binigyang-diin din niya na mahirap paniwalaan ang sinasabing paghahatid umano ng pera sa isang bahay sa Malacañang.

“And finally, nag-deliver daw sila sa Aguado sa Malacañang. Paano ka magde-deliver sa Malacañang, bahay daw ‘yun ni Speaker Romualdez? E nasa Malacañang complex yan? So plausibility, kung posible ba na mangyari yung sinasabi nila,” aniya.

Inakusahan din ng abogado ang mga tinaguriang Maleta Boys ng umano’y “dagdag-bawas” sa kanilang mga pahayag.

Ayon sa kanya, una nilang isinama sina Senadora Loren Legarda at dating Kalihim ng Katarungan at ngayo’y Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima sa listahan ng mga umano’y tumanggap ng kickback mula sa mga proyektong flood control, ngunit kalaunan ay inalis din nila ang mga ito matapos amining nagkamali sila.

Dagdag pa niya, hindi umano kabilang si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon sa kanilang orihinal na listahan, ngunit isinama lamang nang maging bahagi ito ng House prosecution team na magsasakdal kay Bise Presidente Sara Duterte sa impeachment trial sa Senado.

“So hindi ho consistent… Si Cong. Ridon hindi nila isinasali before pero nung napasama na dun sa grupo ng public prosecutors isinali na rin. So consistency ho,” ani Bucoy.