vp inday sara (Photo from Inday Sara FB)

Mga guro dangal ng bayan—VP Sara

226 Views

ITINUTURING na ‘dangal ng bayan’ ni Vice President Sara Duterte ang mga guro na nagsisilbi umanong gabay sa paghubog ng kaisipan ng mga batang Pilipino at katuwang sa pagpapa-unlad ng bansa.

Nanawagan si Duterte sa mga Pilipino na pasalamatan ang mga guro sa pagtuturo ng mga aralin at paghubog sa mga batang Pilipino at sa kanilang dedikasyon na gampanan ang kanilang tungkulin.

“Ang atin pong mga guro ay ating mga dangal ng bayan and dapat po nating bigyan ng importansya ang kanilang role sa ating nation building. Napakahalaga po ng ating mga guro in molding the youth — who is the future of our country,” sabi ni Duterte.

Pumunta si Duterte sa Cordillera Administrative Region para sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day.

Sa pagpunta ni Duterte sa Abra ay binisita nito ang mga pampublikong paaralan at ginamit ang pagkakataon na makausap ang mga guro.

Dinala rin ni Duterte ang kanyang ‘PagbaBAGo’ campaign sa Bangued, Abra at namahagi ng mga school supplies.

Binisita rin ng Bise Presidente ang isang exhibit ng mga lokal na produkto sa Abra Sports Complex.

Pumunta umano si Duterte sa probinsya upang ipakita ang kanyang suporta sa mga taga-Abra na isa sa naapektuhan ng magnitude 7 lindol noong Hulyo.

“Kaya sabi ko, punta tayo sa mga teachers na nangangailangan ng stress debriefing, kailangan ng relaxation dahil hindi po madali na dumaan sa 7-magnitude na lindol,” dagdag pa ni Duterte.

Ginamit din ng Ikalawang pangulo ang pagkakataon upang pasalamatan ang probinsya sa pagsuporta sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.