Kiko Sen. Francis “Kiko” Pangilinan

Pangilinan: Protektahan ang magsasaka, mangingisda para matiyak ang pagkain

51 Views

NANAWAGAN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ng mas malakas na suporta mula para sa mga magsasaka at mangingisda para matiyak ang stable food security.

“To secure our food, we must secure our farmers and fisherfolks,” sabi ni Pangilinan.

Ayon sa senador, dapat tulungan ng pamahalaan ang maliliit na food producers na mapataas ang kita, magkaroon ng mas malawak na access sa merkado at makatanggap ng suportang kailangan upang makayanan ang pagtaas ng gastos, pressure sa merkado, at mga panganib na dulot ng climate change.

“Kapag nabigyan natin ng tamang pagkakataon ang maliliit na magsasaka at mangingisda na maabot ang kanilang buong kakayahan, umangat ang kita, ang full potential, hindi lamang sila ang aangat,” sinabi niya.

Hindi lamang dapat sukatin ang polisiya sa agrikultura sa dami ng produksyon kundi pati sa kakayahan ng mga magsasaka at mangingisda na mamuhay nang may dignidad at makinabang sa pagkaing kanilang nililikha.

Dapat kabilang sa suporta ng pamahalaan ang mga polisiya, institusyon, merkado, at sistemang tutulong sa maliliit na food producer na mapabuti ang kita at mapalakas ang kanilang mga komunidad.

Si Pangilinan ang principal sponsor ng Sagip Saka Act, isang batas noong 2019 na nagpapahintulot sa mga national government agency at lokal na pamahalaan na direktang bumili ng pagkain mula sa accredited farmers’ at fisherfolk’s cooperatives nang hindi na dumaraan sa public bidding.

Ayon sa kanyang tanggapan, inaasahang magsasagawa siya ng mga pagdinig sa mga problemang kinakaharap ng sektor ng agrikultura at pangisdaan, kabilang ang smuggling, overimportation, mataas na gastos sa produksyon, epekto ng climate change, at post-harvest losses dahil sa kakulangan sa imprastraktura.

Inaasahang magsisilbing pagkakataon ang mga pagdinig upang repasuhin ng mga mambabatas ang suportang kailangan ng mga magsasaka at mangingisda at ang mga problemang nakaaapekto sa lokal na food production.